Iba't ibang yugto ng pag-ibig at ligaya, tampok sa 5 bagong awitin

November 23, 2023 AT 12 : 01 PM

Bagong musika mula kay Chloe, Derick, Jel Rey, Phat Nasty Crew, Hi-Jakkk, at Yondi


Hatid ng Kapamilya artists na sina Chloe, Derick, Jel Rey, Phat Nasty Crew, Hi-Jakkk, at Yondi ang iba’t ibang kwento ng pag-ibig at kaligayahan sa kanilang mga bagong awitin. 

Pagkabulag sa pag-ibig ang ibinida ng dating “The Voice Teens” season 1 contestant Chloe Redondo sa kanyang awitin na “Sino Ba Ito” habang masaklap na pagtatapos ng relasyon naman ang ibinahagi ng baguhang singer na si Derick sa kanyang debut single na “Goodbye For Now.” Isinulat at iprinodyus ni Kikx Salazar ang mga awitin na sumasalamin sa nakaantig na tinig nina Chloe at Derick.

Ikinuwento naman ng Star Pop artist na si Jel Rey kung paano naging daan ang pagtibok ng dalawang puso upang umusbong ang pagmamahalan sa awitin na “Tayo (ating istorya)” mula sa kanyang debut EP na “TERAPEWTIKA.” Ilan pa sa mga awitin nito ang “TAKBO!” “Ligaya,” “helepono,” at “Nasa Alapaap Ang Paraluman” na isinulat mismo ni Jel Rey.

Mga bagong hip-hop tracks ang inilunsad ng Dongalo Wreckords at ABS-CBN Music sa kanilang kolaborasyon. Matinding atraksyon sa pag-ibig ang itinampok ng hip-hop group na Phat Nasty Crew sa kanilang bagong single na “Bebes.” Binubuo ang grupo nina Van Halen Santos, Ralph James Santos, at Martin Rudolph Vincent Santos na sila rin sumulat ng awitin habang pagpokus sa magagandang bahagi ng buhay ang naging mensahe ni Hi-Jakkk sa awitin na “Alam Na This.” Isinulat ito ni Michael P. Reyes at iprinodyus ni Cursebox. 

Samantala, masiglang selebrasyon ang itinampok ng newbie artist na si Yondi sa kanyang unang single na “Walwalan” na mapapakinggan na simula Biyernes (Nob. 24). Isinulat ni Yondi ang hip-hop track na nagpapakita ng kanyang talento sa rap habang binibigyang halaga ang bawat saglit ng buhay.

Pakinggan ang mga bagong musika mula sa ABS-CBN na available sa iba’t ibang streaming platforms. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.