News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN TVplus' CineMo launches "Sorpresaya," the first game show on digital TV

October 20, 2018 AT 04 : 47 PM

Umaapaw na papremyo’t ligaya ang hatid ng “Sorpresaya,” ang pinakabagong game show sa CineMo ng ABS-CBN TVplus, kung saan sasabak sa hosting ang Kapamilya komikeros na sina Jobert Austria at Nonong kasama si “Miss Q&A” finalist, Elsa Droga.

Umaapaw na papremyo’t ligaya ang hatid ng “Sorpresaya,” ang pinakabagong game show sa CineMo ng ABS-CBN TVplus, kung saan sasabak sa hosting ang Kapamilya komikeros na sina Jobert Austria at Nonong kasama si “Miss Q&A” finalist, Elsa Droga.

Simula Oktubre 22 (10:30 AM), masusubaybayan na sa CineMo ang “Sorpresaya” na handog ang makwelang mga laro na pwedeng salihan ng audience. Kakaiba rin ang game show na ito dahil lilibot ang programa sa iba't ibang probinsya sa Luzon.

Limpak limpak na papremyo ang naghihintay sa maswerteng audience member na nagtataglay ng lahat ng apat na katangian na hinahanap ng hosts sa segment na “Wanted.” Mala-lotto ang dating ng segment na ito dahil kapag walang nakakuha ng apat na katangian na hinahanap, madadagdagan ang jackpot prize para sa susunod na araw ng segment.

Sa “Macho Singers” segment naman, dalawang machong lalakeng contestants ang magbabakbakan sa pagkanta ng awitin na pinasikat ng babaeng singers.

Mayroon ding laro para sa mga babae na mahilig makipagtalakan. Sa “Debate Girls,” bibigyan ng topic ang babaeng contestants kung saan ipaglalaban nila ang kanilang opinyon base sa panig na naka-assign sa kanila.
Pasok din sa panlasa ng CineMo viewers ang “Chick Boys” segment na susukatin ang galing sa pag-arte at paggaya ng lesbians. Sa larong ito, kailangan kopyahin ng contestants ang istilo ng pag-arte at pagbitiw ng linya ng karakter na nasa isang pelikulang napanood sa CineMo.

Maging senior citizens may pagkakataon ding mag-uwi ng premyo sa segment na “Hula Mo ‘To,” kung saan dalawang grupo ang magpapasiklaban sa galing nila sa panghuhula. Hindi rin pahuhuli ang mga chikiting dahil may nakalaang segment para sa kanila na “Isip Bata.” Ang batang may pinakamaraming tamang sagot sa mga pambatang tanong ang tatanghaling kampeon. Pwede rin magpatulong ang mga chikiting sa kanilang mga magulang.

Ang CineMo program naman na “Sagot Ka Ni Kuya Jobert” ay magiging isang segment na sa “Sorpresaya.” Dito, makakapagtanong nang live kay Kuya Jobert Austria ang audience at sasagutin niya ito ng may halong katatawanan.

Bukod sa masasayang segments, kaabang-abang din ang paghahatid ng saya nina Jobert Austria, Nonong, at “It’s Showtime” “Miss Q & A” finalist Elsa Droga bilang hosts ng “Sorpresaya” sa iba’t ibang lugar sa Luzon.
Marami na ang naabot na manonood ng CineMo dahil nakabenta na ang ABS-CBN ng 6.1 million ABS-CBN TVplus units as of October 10. Noong Abril, nabalita rin na CineMo ang pangatlong pinakapinapanood na channel sa Metro Manila na may average audience share na 7%, ayon sa ulat ng Kantar Media na sakop ang urban at rural homes.

Mula noong 2015, nabago ng ABS-CBN TVplus ang panonood ng telebisyon ng mga Pilipino dahil sa hatid nitong malinaw na panonood ng telebisyon, mas maraming exclusive channels, at abot-kayang pay-per-view service na walang monthly fee.

Patuloy na lumalawak ang signal coverage areas ng ABS-CBN TVplus kung saan kabilang ang Metro Manila, Bulacan, Nueva Ecija, Pangasinan, Rizal, Laguna, Pampanga, Tarlac, Benguet, Cavite, Metro Cebu, Cagayan De Oro, Iloilo, Bacolod, at Davao. Para sa karagdagang impormasyon, pumunta lamang sa tvplus.abs-cbn.com o i-follow ang ABS-CBN TVplus sa Facebook.