News Releases

English | Tagalog

“FPJ’s Ang Probinsyano,” nanguna kontra bagong katapat

May 02, 2018 AT 04 : 35 PM

Dalawang magkasunod na araw na namayagpag ang “FPJ’s Ang Probinsyano” at tinalo ang bago nitong katapat na programa sa national TV ratings, kaya naman nanatili itong pinakapinanonood na serye sa bansa noong Lunes (Abril 30) at Martes (Mayo 1).

Nagdala ng aksyon ang serye sa pabubukas ng linggo matapos nitong magkamit ng national TV rating na 41.2%, kumpara sa “The Cure” na nakakuha lamang ng 17.9%, ayon sa datos ng Kantar Media. Hindi rin natinag ang “FPJ’s Ang Probinsyano” hanggang Martes at nagrehistro ng 41.2%, samantalang 16.4% sa bago nitong katapat.

Patuloy ang misyon ni Cardo (Coco Martin) na sugpuin ang katiwalian ni Renato (John Arcilla) matapos niyang iligtas ang mga gurong nakatakdang magbantay ng mga balota para sa eleksyon, na sinugod at tinakot ng mga tauhan ni Renato upang siguraduhing siya ang mananalo sa botohan.

Ngunit hindi pa natatapos ang panganib dahil ang lider naman ng isang simbahan ang pupuntiryahin ng kampo ni Renato upang makuha ang buong boto ng mga kaanib nito.

Sa kabila naman ng panganib, unti-unti namang nagkakaroon ng kulay ang buhay ni Cardo ngayong nag-uumpisa nang magkaroon ng pagtingin sa kanya si Andi (Jessy Mendiola) sa pagtagal ng kanilang pagsasama.

Mapigilan na nga kaya ni Cardo ang kasamaan ni Renato?

Tutukan ang maaaksyong tagpo sa nangungunang serye sa bansa, ang “FPJ’s Ang Probinsyano,” gabi-gabi sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para mapanood ang past episode ng palabas, mag-log in lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE