Nanguna ang underground hip hop film na “Respeto” laban sa iba pang mga pelikula sa 41st Gawad Urian matapos nitong makakuha ng apat na parangal, kabilang na ang Best Actor para sa rapper na si Abra sa ginanap na gabi ng parangal noong Huwebes (Hunyo 15) sa ABS-CBN Vertis Tent sa Quezon City.
Pinasalamatan ni Abra ang kanyang mga kasamahan sa industriya para sa tagumpay ng pelikula. “Hindi ito mabubuo kung wala ‘yung mga kapatid ko sa kultura ng hip hop.” Ito ang kauna-unahang acting award na natanggap ng actor-rapper.
Nakuha rin ng “Respeto” ang Best Supporting Actor para kay Dido de la Paz. ang Best Editing para kay Lawrence Ang, at Best Sound para kay Corrine de San Jose.
Inigawad naman ang Best Picture award sa wartime drama na “Balangiga: Howling Wilderness” na iprinodyus nina Achinette Villamor, Edong Canlas, at Khavn.
Tumanggap naman ang musical na “Ang Larawan” ng dalawang awards, kabilang na ang Best Production Design para kay Gino Gonzales at Best Actress para kay Joanna Ampil. Kinilala rin bilang Best Supporting Actress si Odette Khan ng “Bar Boys.”
Tinanghal na Best Director si Arnel Barbarona ng “Tu Pug Imatuy” na inalay ang award sa mga Lumad ng Mindanao. “Ang laban nila ay laban din natin. Kapag nawala ang kanilang lupa, mawawala din ang ating pagkakakilanlan,” pagbabahagi niya sa kanyang acceptance speech.
Bumida sa gabi ng parangal ang orighinal Pilipino music (OPM), tampok ang mga awitin mula sa pelikulang “Ang Larawan,” na inawit nina Rachel Alejandro at Joanna, “Changing Partners” na kinanta nina Klarisse de Guzman at Sandino Martin, at “Respeto” sa performance nina Abra at Loonie.
Binuksan din nina Darren Espanto, Jason Dy, at Janine Berdin ang programa sa pamamagitan ng OPM performances.
Iginawad naman sa musical director, composer, at arranger na si Winston Raval ng Vanishing Tribe ang Natatanging Gawad Urian ngayong taon. Nakapaglapat na siya ng musical score sa higit sa 20 pelikula, kabilang na ang “Himala,” sa loob ng apat na dekada niya sa industriya.
Nagsilbing hosts ng Gawad Urian ang mga bida ng “Kita Kita” na sina Empoy Marquez at Alessandra de Rossi kasama si Butch Francisco na miyembro ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino.
Napili ang mga nagwagi ng kapisanan ng Manunuri na kinabibilangan ng mga natatanging pangalan sa industriya ng pelikulang Pilipino. Pinangungunahan ito ng pangulo nito na si Rolando Tolentino kasama ang mga miyembro na sina Butch, Grace Javier Alfonso, Bienvenido Lumbera, Miguel Rapatan, Benilda Santos, Dr. Nicanor Tiongson, Tito Genova Valiente, Patrick Campos, Shirley Lua, at Gary Devilles.
Abangan ang replay ng 41th Gawad Urian sa Cinema One (SkyCable ch. 56, Destiny Cable Digital Channel 56, at Destiny Analog Ch. 37) sa darating na Sabado (Hunyo 16), 11pm. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang official Facebook page ng Cinema One (www.facebook.com/Cinema1channel).
Full list: 41st Gawad Urian winners
Best Film: “Balangiga: Howling Wilderness”
Best Actress: Joanna Ampil, “Ang Larawan”
Best Actor: Abra, “Respeto”
Best Director: Arnel Barbarona, “Tu Pug Imatuy”
Best Supporting Actress: Odette Khan, “Bar Boys”
Best Supporting Actor: Dido de la Paz, “Respeto”
Best Screenplay: Christopher Gozum, “Dapol Tan Payawar Na Tayug 1931”
Best Cinematography: Mycko David, “Neomanila”
Best Production Design: Gino Gonzales, “Ang Larawan”
Best Editing: Lawrence Ang, “Respeto”.
Best Music: Khavn, “Balangiga: Howling Wilderness”
Best Sound: Corrine de San Jose, “Respeto”
Best Documentary: Victor Delotavo Tagaro and Toshihiko Uriu, “Yield”
Best Short Film: Kiri Dalena, “Gikan Sa Ngitngit Nga Kinailadman” (From the Dark Depths)
Natatanging Gawad Urian: Winston Raval (Vanishing Tribe)