News Releases

English | Tagalog

Angel Locsin nagbabalik-primetime sa "The General's Daughter"

January 11, 2019 AT 10 : 49 AM

Mas magiging maningning ang bawat gabi ngayong bagong taon dahil magaganap na ang inaabangang pagbabalik ni Angel Locsin sa primetime sa pagbida niya sa “The General’s Daughter” na malapit nang mapanood sa ABS-CBN.
 
Muling kabibiliban si Angel sa telebisyon sa pagganap niya bilang si Rhian Bonifacio, ang anak ng heneral na hinubog upang patayin ang mortal na kaaway ng kanyang pamilya. Ngunit ang hindi niya alam, ang buhay niya ay puno ng kasinungalingan dahil ang tao kanyang kinamumuhian ay ang kanya palang tunay na ama.
 
Asahan ang mas matapang at mapangahas na Angel sa kanyang bagong serye dahil muli niyang ipapakita ang husay niya pagdating sa action-drama sa maaaksyong fight scenes na mapapanood. Makikipagsabayan din siya sa mga beternanong aktor gaya nina Maricel Soriano, Tirso Cruz III, at Albert Martinez na muling magpapamalas naman sa husay nila sa pag-arte.
 
Bago naman ang kanyang inaabangang pagbabalik, patuloy ang pagningning ng bituin niya sa telebisyon noong nakaraang taon. Napanood siya sa hit teleseryeng “La Luna Sangre” at pinuri sa performance niya sa isang episode ng “MMK,” kung saan ginampanan niya ang buhay ng isang Muslim na ipinaglalaban ang hustisya matapos mapagbintangang isang kidnapper.
 
Naging hurado rin siya sa dalawang seasons ng “Pilipinas Got Talent,” kung saan nakasama niya ang mga naglalakihang bituin na sina Vice Ganda at Robin Padilla at dating ABS-CBN executive na si Freddie M. Garcia na sumala sa pinakamahuhusay na talento ng bansa.
 
Humakot din si Angel sa takilya sa kanyang pelikula na “Everything About Her” kasama si Xian Lim at ang Star for All Seasons na si Vilma Santos. Dahil sa pagganap niya sa pelikula, ilang award-giving bodies ang kumilala sa kanyang husay gaya ng KBP Golden Dove Awards, Asia Pacific Film Festival, at Gawad Tanglaw.
 
Samantala, makakasama rin ni Angel sa “The General’s Daughter” sina Eula Valdez, Janice De Belen, Paulo Avelino, JC De Vera, Arjo Atayde, Ryza Cenon, Ronnie Alonte, at Loisa Andalio. Magkakaroon din ng espesyal na partisipasyon sa serye ang Diamond Star na si Maricel Soriano.
 
Ang “The General’s Daughter” ay sa ilalim ng direkyon ni Manny Palo at Mervyn Brondial.
 
Tutukan ang “The General’s Daughter” sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.