News Releases

English | Tagalog

iWant at Dreamscape Digital, gagawing serye ang nobelang tungkol sa kabataang may HIV

January 24, 2019 AT 11 : 40 AM

Dreamscape Digital will produce a digital series about teenagers with HIV based on the novel "Mga Batang Poz," to be streamed soon on iWant.

Isang orihinal na seryeng magpapakita sa mga karanasan ng apat na kabataang may human immunodeficiency virus (HIV) ang malapit nang mapanood sa iWant, ang streaming service ng ABS-CBN.
 
Base sa nobelang “Mga Batang Poz” ng Palanca-winning writer na si Segundo Matias, Jr. ang six-part digital series na ipoprodus ng Dreamscape Digital. Ayon sa manunulat, layunin ng libro na palawigin sa publiko ang kaalaman tungkol sa HIV at kung gaano na karaming kabataan ang naaapektuhan nito.
 
“’Nung simulan ko ito, nalaman ko ang data at doon na ako naging seryoso. Personally, naging responsibilidad ko bilang manunulat na gawin ito, dahil ang literature ay malaki ang impluwensya sa nakakabasa. Sabi ko, kailangan kong ituloy ito para sa kabataang Pilipino,” ayon kay Matias.
 
 
Ang Pilipinas ang isa sa mga bansa kung saan pinakamarami ang naitatalang kaso ng HIV sa buong Asia-Pacific region, ayon sa Department of Health. Pabata rin nang pabata ang nakakakuha ng naturang virus, partikular na ang mga Pinoy na may edad 15 hanggang 24, base sa datos ng Philippine National AIDS Council.
 
Bukod sa HIV awareness, nais ding ibahagi ni Matias ang adbokasiyang labanan ang stigma o panghuhusga sa mga “poz” o taong may HIV.
 
“Ito ay nobela ng pag-asa. Hindi ka mamamatay, pwede mong ipagpatuloy ang buhay at pangarap mo kahit may HIV ka, basta magpatingin ka, magpagamot ka. Ang kalaban mo lang talaga ang stigma. ‘Yun ang gustong iparating ng nobela – tuloy ang buhay,” dagdag pa niya.
 
Naging opisyal naman ang pagsasanib-pwersa ng iWant, Dreamscape Digital, at ni Matias sa isang contract signing na ginanap kamakailan kasama sina ABS-CBN COO of broadcast na si Cory Vidanes, Dreamscape head na si Deo Endrinal, iWant head na si Elaine Uy-Casipit, head of finance for broadcast and news and current affairs na si Cat Lopez, at si Matias.
 
Mula sa paggawa ng mga teleserye sa telebisyon na minahal at tinutukan ng mga Pilipino, panibagong yugto sa pagbibigay ng mga de-kalibreng pelikula ang tatahakin ng Dreamscape Entertainment sa Dreamscape Digital. Ang Dreamscape Digital ang nagprodus ng trending movie na “Glorious” at ang “The Gift” na napapanood na ngayon nang libre sa iWant.
 
Para sa karagdagang updates, i-like ang www.facebook.com/iWant, at sundan ang @iwant sa Twitter at @iwantofficial sa Instagram.