Umapaw ang pag-ibig sa Bacolod, Davao, at Cagayan de Oro dahil sa piyesta ng serbisyong hinanda para sa mga residente roon sa “Kapamilya Love Weekend” ng ABS-CBN.
Bilang pagpapatuloy ng selebrasyon ng ika-65 na anibersaryo ng Kapamilya network, naghatid ang public service caravan ng libreng health check-ups, gamot, at sari-sari pang serbisyo, na nagpangiti sa mahigit 5,000 Kapamilya na dumalo rito.
Sa Bacolod, tinangkilik ng mga residente ang libreng gupit, masahe, at pagkain, habang may mga nakahanap ng hanapbuhay sa Trabaho Patrol job fair. Samantala, sa Davao, nagkaroon din ng breast at pre-natal exams, anemia screening, check-up sa mata at tenga, at namigay din ng libreng salamin. Libreng legal na payo,
manicure at pedicure, bakuna kontra rabies para sa aso’t pusa, at bloodletting naman ang ilan sa mga aktibidad na ginawa sa Cagayan de Oro.
Isa sa mga natulungan ng “Kapamilya Love Weekend” ang 80-anyos na si Margarita Mitsula ng CDO, na doon lamang natuklasan na may sakit siya sa mata. “Akala ko, nanlalabo lang ang mata ko dahil sa aking katandaan. Kung hindi dahil sa ‘Kapamilya Love Weekend,’ hindi ko sana malalaman na mayroon na pala akong katarata,” ani Margarita.
Sa Bacolod naman, hindi na kinailangan magbayad sa konsultasyon si Salvacion Balero na hirap na maglakad. Sa Davao naman, nakakuha ng libreng gamot para sa kanyang maintenance si Florencio Soledad na himalang nakaligtas sa brain aneurysm.
Umulan din ng papremyo sa “Kapamilya Love Weekend” at may Kapamilya stars ding naglaan ng oras para maglingkod sa mga Pilipinong dumalo sa caravan. Lumipad sa Bacolod sina Ejay Falcon at Cholo Barreto, tumulong sa Davao sina Joshua Garcia at Aljur Abrenica, at nakiisa naman sa mga taga-CDO ang “PBB” housemates na sina Joj at Jai Agpangan, kasama pa rin si Cholo.
“Nagpapasalamat naman ako siyempre sa ABS-CBN at sa ating mga Kapamilya na binigyan nila ng oras ang mga tao,” pahayag ni Ejay na napapanood ngayon sa “Sandugo.”
Isa lamang ang “Kapamilya Love Weekend” sa maraming public service activities na inilunsad at isinasagawa ng kumpanya sa mahigit anim na dekada nitong paglilingkod sa mga Pilipino. Paraan ito upang maipaabot ng Kapamilya network ang pasasalamat nito sa kanilang pagmamahal at suporta sa nakalipas na 65 taon.
Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Instagram, at Twitter, o pumunta sa
www.abs-cbn.com/newsroom.