News Releases

English | Tagalog

Bagong talent-reality format “Your Moment,” unang mapapanood sa Pinas at ABS-CBN

October 22, 2019 AT 03 : 25 PM

Billy, Nadine, and Boy are judges in two-in-one competition hosted by Luis and Vhong

Mapapanood sa Pilipinas sa unang pagkakataon ang “Your Moment,” ang pinakabagong talent-reality format na bunga ng pagsasanib-pwersa ng ABS-CBN at Fritz Productions ng Netherlands, tampok ang samu't saring dancing at singing acts mula sa loob at labas ng bansa at magtatanghal ng dalawang grand champion sa dalawang talent category sa finals.
 
Magsisimula na sa Nobyembre 9 ang “Your Moment” kasama ang judges na sina international RnB sensation Billy Crawford, multimedia princess Nadine Lustre, at star builder Boy Abunda na gagamit ng ‘emotion meter knob’ para bigyan ng score ang bawat performance.
 
Kulay at excitement ang hatid ng programa sa bawat weekend dahil sa makabago at enggrandeng set nito kung saan masasaksihan ng audience at judges ang lahat ng performances sa salit-salitang pag-ikot nito sa magkahiwalay na dancing stage at singing stage.
 
Iba-ibang karanasan ang dala ng bawat judge sa kumpetisyon na sasalain ang bawat act dahil magiging mahigpit ang mga mata ni Billy, isang world-class performer at host na may malawak na international experience, ni Nadine na minsan ding sumabak sa auditions at naging bahagi ng isang sing-and-dance girl group bago maging isang award-winning actress at recording artist; at ni Tito Boy na isang respetadong TV personality, talent manager ng ilan sa mga pinakamaningning na bituin sa bansa, at mapagkakatiwalaang talent search judge.
 
Samantala, papangunahan naman ang “Your Moment” ng multi-awarded TV personality na si Luis Manzano at dance icon na si Vhong Navarro bilang hosts.
 
Magsisimula sa black and white ang bawat performance ngunit habang tumatakbo ito ay unti-unting magkakakulay at magkakailaw ang stage, samantalang tatlong beses namang kailangang magbigay ng score ang judges gamit ang 'emotion meter knob' mula sa pinakamababang score na 1 hanggang sa pinakamataas na 10. Lalabas din sa screen ang 'emotion meter' na ipapakita ang scores ng judges sa tuwing papatak sa tatlong 'time markers' (20 segundo, 60 segundo, at 90 segundo) ang performance.
 
Apat na levels ang kailangang pagdadaanan ng acts sa kumpetisyon bago tanghaling grand champion: ang “Your First Moment,” “Your Moment of Choice,” “Your Moment of Power,” at “Your Grand Moment.”
 
Sa unang level na “Your First Moment,” tatlong singing acts at tatlong dancing acts ang tampok sa bawat episode na bibigyan ng tigdadalawang minuto para pabilibin ang judges.
 
Sa “Your Moment of Choice,” ang ikalawang yugto ng kumpetisyon, pipiliin ng acts na may pinakamatataas na scores ang kanilang makakatunggali sa isang kaabang-abang na three-way showdown.
 
Sa “Your Moment of Power” naman, bibigyan ng pagkakataon ang top performers na mamili ng gagabay sa kanila mula sa mga batikang Pinoy at banyagang mentors sa entertainment industry. 
 
Sa huling “Your Grand Moment” level, magtutunggali naman ang top three acts sa dalawang kategorya at uusbong ang isang grand champion para sa pagkanta at isa naman para sa pagsayaw. 
 
Huwag palampasin ang world-class talents, mga kwento ng inspirasyon at pagkakaibigan, at nakakamanghang performances sa world premiere ng “Your Moment” sa Nobyembre 9. Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/yourmomentph at sundan ang sa Twitter at Instagram.