News Releases

English | Tagalog

Creamline, PetroGazz, maglalaban para sa korona ng 2019 PVL Open Conference

October 29, 2019 AT 11 : 55 AM

PVL Finals, mapapanood sa S+A, LIGA, at iWant

Itataya ng Creamline ang trono nito kontra PetroGazz sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference Finals simula Nobyembre 6 sa FilOil Flying V Centre sa San Juan. Matutunghayan ng fans ang LIVE coverage ng Game 1 ng 6 pm sa S+A sa free TV, S+A HD, LIGA, at LIGA HD sa cable, at pati na rin sa iWant, sports.abs-cbn.com, at tfc.tv sa online.

Mapapanood din ng LIVE sa LIGA, LIGA HD, iWant, sports.abs-cbn.com, at tfc.tv ng 4pm ang Battle for Third sa pagitan ng BanKo Perlas Spikers at Motolite Power Builders, na ipapalabas naman sa S+A ng Nobyembre 7 ng 11:30 am.

Nais ipagpatuloy ng Cool Smashers ang kanilang pagre-reyna sa PVL at bawian ang koponang tumalo sa kanila sa nakaraang Reinforced Conference Finals. Wala pang talo ngayong sa torneo ang Creamline, na tinapos ang Motolite sa loob ng dalawang laro sa semifinals, tulad nang ginawa ng Angels kontra BanKo Perlas.

Inaabangan na ang pagpapalitan ng palo nina Alyssa Valdez, Jema Galanza at Michele Gumabao para sa Creamline habang pambato naman ng PetroGazz sina Cherry Nunag, Jonah Sabete, at Jovielyn Prado.

Samantala, isang tanso na naman ang minamata ng Perlas Spikers sa kanilang pagharap sa Power Builders sa Battle for Third. Mapapalaban sina Dzi Gervacio, Nicole Tiamzon, at Kathy Bersola ng BanKo Perlas kontra kina Myla Pablo, Isa Molde, at Tots Carlos ng Motolite.

Gaganapin naman ang Game 2 sa Nobyembre 9, at ang Game 3, kung kailanganin, sa Nobyembre 13. Itatanghal naman sa isang awarding ceremony ang pinakamahuhusay na indibidwal sa Open Conference sa Game 2.

Huwag palampasin ang simula ng PVL Open Conference Finals na kinatatampukan ng  Creamline Cool Smashers kontra PetroGazz Angels sa Nobyembre 6 mula FilOil Flying V Centre a San Juan sa S+A, S+A HD, LIGA, LIGA HD, iWant, sports.abs-cbn.com, at tfc.tv simula 6 pm. Mapapanood naman ng LIVE ang Battle for Third sa pagitan ng BanKo Perlas at Motolite sa LIGA, LIGA HD, iWant, at sports.abs-cbn.com ng 4 pm.

Para sa karagdagang impormasyon at mga kwento tungkol sa PVL, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.