News Releases

English | Tagalog

Pagbubukas ng 2019 SEA Games, eere ng LIVE sa ABS-CBN

November 26, 2019 AT 02 : 09 PM

House Speaker and Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) Chair Alan Peter Cayetano said that with ABS-CBN as broadcast partner, Filipinos will be able to watch wherever they may be. 

ABS-CBN Sports, ihahatid ang aksyon sa volleyball at football sa TV at online 

Eksklusibong mapapanood sa ABS-CBN ang 2019 SEA Games opening ceremonies ng LIVE mula sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan sa Nobyembre 30 (Sabado) simula 6:50 pm, habang may livestreaming din sa iWant at replay sa S+A ng 10 pm.
 
Muli na namang bibida ang tapang, galing, at puso ng mga Pilipino sa pagsasagawa ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games dito sa Pilipinas na ihahatid ng ABS-CBN Sports sa telebisyon at online.
 
Ayon kay House Speaker at Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) Chair Alan Peter Cayetano sa panayam ng ABS-CBN News, napakaganda ng masasaksihan sa opening ng 2019 SEA Games dahil ang mga nasa likod nito ay nakagawa na rin ng opening ceremony sa Olympics.
 
Nagpasalamat din siya dahil sa tulong ng ABS-CBN bilang broadcast partner ay mapapanood ito ng maraming Pilipino nasaan man sila.
 
“It will really be a great show. We believe that all Filipinos should have the opportunity to watch and since hindi naman lahat makapunta doon live it’s a big big privilege and honor to have ABS-CBN cover it live so that not only can all Filipinos win as one but enjoy the opening ceremonies as one," aniya.
 
Maliban sa opening, mapapanood rin sa ABS-CBN S+A, LIGA, at iWant masusundan ang aksyon sa mga sikat na larong volleyball at football. Live din ipapalabas sa mga platapormang ito ang closing ceremonies sa Disyembre 11 ng 6:30 pm.
 
Una nang napanood ang laban ng Philippine men’s football team noong Nobyembre 25 habang Nobyembre 26 naman sumipa ang kampanya ng Philippine women’s football team.
 
Inaabangan din ang pag-atake ng Philippine men’s volleyball team sa pangunguna nina Marck Espejo at Bryan Bagunas at Philippine women’s volleyball team nina Alyssa Valdez at Aby Marano sa kani-kanilang unang laban sa Disyembre 2 (Men’s) at Disyembre 3 (Women’s). Isa ring espesyal na dokumentaryong pinamagatang “Sambansa, One Country, One Goal” ang ipapalabas sa S+A sa Sabado (Nobyembre 30) ng 6 pm tungkol sa paghahanda ng women’s volleyball team upang magdala ng karangalan sa bansa.
 
Bukod sa volleyball at football, makakapanood rin ng highlights mula sa ibang sport tulad ng swimming, gymnastics, at track and field, at mga laban ng mga magwawaging Pinoy athlete sa “The Score,” na ipapalabas ng 9 am at 8 pm simula Disyembre 1.
 
Inaanyayahan naman ni ABS-CBN Integrated Sports head Dino Laurena ang publiko na ipakita ang kanilang suporta sa mga atleta sa panonood ng mga laro sa personal man, sa TV, o online. Aniya, maliban sa pagabot ng kanilang pangarap, hangad ng mga atleta ang magdala ng saya at pag-asa sa buong bansa.
 
Maliban sa football at volleyball matches, may livestreaming din sa iWant ng lahat ng laro sa gymnastics at aquatics, at ilang event sa athletics. Mapapanood din ang mga laro sa men’s basketball, 3x3, at weightlifting tampok si Hidilyn Diaz ng video-on-demand. 
 
Nauna nang inilunsad ng ABS-CBN ang National Cheer Campaign nitong taon upang magbigay pugay sa kagalingan ng Pinoy at pagisahin ang lahat sa pagsuporta sa ating mga pambato sa pamamagitan ng awiting “Isigaw Mo #GalingNatinIto.”
 
Para sa kabuuang iskedyul at iba pang balita sa 2019 SEA Games, tumutok sa S+A at sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook, Instagram, at Twitter, o bumisita sa sports.abs-cbn.com at iwant.ph
 
Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Instagram, at Twitter, o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.