Tinutukan ng mga manonood sa buong bansa nang madiskubre ni Chico (JM De Guzman) na hindi si Luz (Sylvia Sanchez) ang kanyang totoong ina kundi si Elena (Rosanna Rocses), kaya naman nagtala ang “Pamilya Ko” ng bagong all-time high national TV rating noong Miyerkules (Nobyembre 6).
Nagkamit ang serye ng 23.5%, kumpara sa “Wowowin” na nakakuha lang ng 17.7%, ayon sa datos ng Kantar Media.
Kinapitan ang eskena kung saan nakumpirma ni Chico na siya ang hinahanap na anak ni Elena matapos niyang makita ang mga sulat ng ina sa kanyang amang si Fernan. Inabangan din ang salpukan ng tatlong babae sa buhay ni Fernan sa paghaharap nina Luz, Loida, at Elena, na nauwi sa mainit na komprontasyon.
Nag-trend naman sa Twitter ang official hashtag ng palabas na #PamilyaKoKuyaChico, kung saan ibinahagi ng neitzens ang kanilang papuri para sa cast ng serye.
“Maraming nakaka-relate kay Chico. Maraming anak sa labas na ‘di nila alam ang katotohanan, pero deep inside them there’s that feeling na parang ‘di sila belong, or they feel unwanted, kahit na they’re shown love by their families,” komento ng YouTube user na si Coldclearblue.
“Galing ng tatlong babae sa buhay ni Fernan, patalbugan ng acting! The past, the present, and the one who just borrowed time from him,” sabi naman ng isa pang YouTube user na si Panda Boo Boo.
“Ang talino ng script at characters. Hindi ka nakaka-relate sa sitwasyon, pero nararamdaman mo ‘yung sakit,” papuri naman ng Twitter user na si @3ple3T.
Samantala, patuloy ngang aalamin ni Chico ang iba pang lihim sa pagtatagpo nila ng kanyang ina. Ang sakit na nararamdaman ni Chico ang magtutulak naman kina Fernan at Luz na mas maging matibay at magkasamang harapin ang mga problemang sumusubok sa kanila.
Mabuo pa nga kaya ang kanilang pamilya?
Panoorin ang kwento ng “Pamilya Ko” gabi-gabi sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow lang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).