News Releases

English | Tagalog

Jex, Julius, Mark Michael, at Sofronio matira-matibay sa huling tapatan ng "Tawag ng Tanghalan" grand resbak

December 18, 2019 AT 02 : 03 PM

Four balladeers are throwing one vocal knockout punch after another in the battle royale that is the “Tawag ng Tanghalan All-Star Grand Resbak” grand finals.

Muling sumusuong sa pinakamatinding subukan ng tatag sa kantahan sina Jex De Castro, Julius Cawaling, Mark Michael Garcia, at Sofronio Vasquez III sa huling tapatan ng “Tawag ng Tanghalan All-Star Grand Resbak” sa “It’s Showtime” ngayong linggo.
 
Matapos ang higit sa isang buwang matira ang matibay na salpukan, papangalanan na ngayong Sabado (Disyembre 21) ang grand resbaker na tatanghaling grand champion na magwawagi ng P300,000 at management contract.
 
Isa sa mga pinakamalakas na pambato si Jex mula sa Year 1 na bukod sa pagsisilbing kapitan ng Team Sinag ay gumawa ng ingay sa mga manonood ang trending performances niya at kabilib-bilib na pagkakaupo sa seat of power.
 
Nananalig naman si Julius Cawaling, na sumabak sa parehong Year 2 at Year 3, na dumating na ang tamang panahong hinihintay niya para magwagi matapos maging resbaker at grand finalist.
 
Kaparehas naman sa istorya niya ang kay Year 2 grand finalist na si Mark Michael Garcia, isang dating mananayaw na nais patunayan ang puwesto sa industriya ng musika matapos ang pagiging mailap sa kanya ng kampeonato.
 
Sa pamamagitan naman ng “Tawag ng Tanghalan” nadiskubre ng Year 2 grand finalist na si Sofronio Vasquez ang boses niyang panlaban na siyang armas niya para makuha ang tagumpay.
 
Sino sa grand resbakers ang aangat? Kaninong apoy ang patuloy na magliliyab?
 
Ang “TNT All-Star Grand Resbak” ay bahagi pa rin ng isang buong taong selebrasyon ng ikasampung anibersayo ng “It’s Showtime.” Subaybayan ito mula Lunes hanggang Sabado ng tanghali sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (Sky Cable ch 167). Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Twitter, Instagram, at Facebook at bisitahin ang abscbnpr.com. Para naman mapanood ang episodes ng programa, mag-download ng iWant app (iOs at Andoid) o mag-register sa iwant.ph.