News Releases

English | Tagalog

"FPJ's Ang Probinsyano" tinalo ang bagong katapat, nanguna pa rin sa buong bansa

February 19, 2019 AT 05 : 19 PM

Kinapitan pa rin ng mas maraming Pilipino ang maaksyong kwento ng “FPJ’s Ang Probinsyano” matapos nitong magrehistro ng higit dobleng lamang na national TV rating kumpara sa bago nitong katapat noong Lunes (Pebrero 18).
 
Nagkamit ang seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin ng 41.6%, o 23.7 puntos na lamang laban sa “Kara Mia” na nakakuha lang ng 17.9%, ayon sa datos ng Kantar Media. Pinag-usapan din ang Kapamilya serye online matapos makasama ang official hashtag nitong #FPJAP3Pasakit sa Twitter.
 
Napanood sa episode ang hindi inaasahang pagkakabihag nina Diana (Angel Aquino) at Bubbles (Bianca Manalo) matapos silang hindi makatakas sa kampo ni Alakdan (Jhong Hilario) at Heneral Hipolito (John Arcilla). Sa kabilang dako naman, nakahanap na ng bagong matutuluyan si Cardo (Coco Martin) at ang Vendetta sa isang bundok habang pinaplano nila ang pagsagip sa iba pa nilang kasamahan mula sa kamay ng mga kalaban.
 
Dahil naman sa patuloy na panghihimasok ng Vendetta sa kanyang mga plano, patuloy naman si Don Emilio sa paggawa ng paraan upang mawala na sa landas niya ang grupo, lalo na si Cardo.
 
Magtagumpay nga kaya si Cardo na matalo ang mga kalaban at mailigtas ang kanyang mga kakampi?
 
Tatlong taon nang pinatutuloy ng mga manonood sa kanilang mga tahanan si Cardo at maliban sa aksyon, hinahangaan din ang “FPJ’s Ang Probinsyano” sa mahahalagang aral na ibinibahagi nito gabi-gabi.
 
Mula rin ng umere ito sa telebisyon, hindi na ito natinag sa national TV ratings at nanatiling pinakapinanood na programa sa bansa.
 
Panoorin gabi-gabi ang aksyon at aral sa “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.