News Releases

English | Tagalog

Jodi at Bela, maninindigan para sa hustisya at pagmamahal sa "Sino Ang Maysala?"

April 23, 2019 AT 11 : 09 AM

Two mothers with opposing versions of the truth will take a stand in the name of love and justice in “Sino Ang Maysala?: Mea Culpa,” which premieres on Monday (April 29).

Katotohanan ang hahanapin ngunit paulit-ulit na itatago sa pinakabagong Kapamilya primetime crime-drama series na “Sino Ang Maysala?: Mea Culpa” tampok ang laban ng dalawang ina para sa pagmamahal at hustisya na magsisimula na ngayong Lunes (Abril 29).
 
Matutunghayan sa serye ang pagbabalik-primetime ng award-winning actress na si Jodi Sta. Maria bilang si Fina, isang simpleng magsasakang naghahangad ng magandang kinabukasan para sa kanyang pamilya at buong tapang na hahanapin ang nawawala niyang anak.
 
Makakabangga naman niya si Bella Padilla, na gaganap bilang isang abugado, kasama sina Tony Labrusca, Kit Thompson, Sandino Martin, Ivana Alawi, at Ketchup Eusebio.
 
The lead cast of "Sino Ang Maysala?"

 
Magsisimula ang bangungot sa kanilang mga buhay nang mag-road trip ang magkakaibigang sina Juris (Bela), Andrei (Tony), Gaylord (Sandino), Greco (Kit), Lolita (Ivana), at Bogs (Ketchup) sa Baguio upang i-celebrate ang pagpasa nila sa bar.
 
Mauuwi ang okasyon sa isang aksidente at krimen na magdudulot sa pagkakalayo ni Fina mula sa kanyang bagong silang na anak. Ngunit dala ng konsensya, magkakasundo ang magkakaibigan na kupkupin ang bata na siya namang aalagaan at kukupkupin ni Juris.
 
Susubuking itago ng barkada ang madilim na lihim ng kanilang nakaraan, hanggang sa madiskubre ang isang bangkay sa Baguio na ilang taon nang naaagnas.
 
Dahil sa balita, iigting ang paniniwala ni Fina na buhay pa ang kanyang anak at sisimulan ang paghahanap dito.
 
Lalo pang iinit ang kaso dahil sa paniniwala ni Fina na ang nawalay niyang anak ay nasa poder ni Juris. Hindi naman magpapatalo ang abugado laban sa akusasyon at panghahawakan ang pagmamahal para sa batang binuhay at binigyan niya ng magandang buhay.
 
May laban ba si Fina sa pagkuha ng katarungan laban sa mga bigatin at makapangyarihang abogado? Makukuha pa kaya niya ang kanyang anak? Hanggang kailan babaliin at ikukubili ng magkakaibigan ang katotohanan?
 
Kasama rin sa cast ng “Sino Ang Maysala?: Mea Culpa” ang mga batikang aktor na sina Agot Isidro, Janice de Belen, Ayen Munji-Laurel, Jay Manalo, Allan Paule, at Boboy Garovillo. Ito ay sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment at idinirek nina Andoy Ranay at Dan Villegas.       

Subaybayan ang bagong Kapamilya seryeng “Sino Ang Maysala?: Mea Culpa” simula ngayong Lunes (Abril 29) sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.