News Releases

English | Tagalog

Jameson Blake sasayaw sa laban ng buhay sa "MMK"

April 25, 2019 AT 01 : 29 PM

Claudine makes TV comeback as adoptive mother to sick nephew

Nagbabalik telebisyon si Claudine bilang nanay-nanayan sa sakiting pamangkin

 
Isang matinding hamon ang lalagpasan ni Jameson Blake sa kanyang paganap bilang ang PBB Star Dreamer at ABS-CBN Star Hunt dance artist na si RJ Cunanan upang maabot ang kanyang pangarap ngayong Sabado (Abril 27) sa “MMK.”
 
Lumaki sa Brunei si RJ (Jameson Blake) kasama ang tiyahin at nakagisnang nanay na si Vivian, na gagampanan ni Optimum Star Claudine Baretto sa kanyang pinaka-latest na pagbabalik telebisyon. Dahil sa buong suporta ni Vivian, ipagpapatuloy ni RJ ang paglilinang ng pagsayaw lalo na nang umuwi silang mag-tiyahin sa Pilipinas.  
 
Kinakitaan ni Vivian ng buong-pusong dedikasyon ang pinakamamahal na anak-anakan para matamo ang mga pangarap. Ngunit sa kabila ng kagustuhan nitong maging isang propesyonal na mananayaw at kilalang mananayaw sa Dancesport, malalaman nilang mayroong Guillain-Barré Syndrome (GBS) si RJ, isang bihirang neurological na kapansanan sa utak, na unti-unting paparalisa sa kanyang katawan, simula sa kanyang mga paa at kakalat sa buo nitong pangangatawan.
 
Sa loob ng halos isang taon ng pagdurusa RJ dahil sa sakit, mistulang panghihinaan na ng loob ang mag-ina. Sa kabila ng malaking dagok sa kanilang buhay, makikita ni Vivian na patuloy ang paglaban ni RJ sa kabila ng mga pisikal na limitasyon.  Pagkatapos ng walong buwan, makakabawi si RJ sa kalusugan. Lalahok ito at tatamo ng papuri sa iba’t-ibang lokal at internasyonal na komeptisyon sa Dancesport.
 
Samantala, mauuwi naman ito sa hindi inaasahang pagkukrus muli ng landas ng mga tunay nitong magulang na sina Maya and Robert. 
 
Sa kalaunan, pipilitin ng mag-asawa na makuha ang loob ng anak at bawiin ito kay Vivian dahil sa magandang takbo ng karera nito sa pagsayaw. Dito mapapatunayan ni RJ ang labis na pagpapahalaga sa kanya ng kanyang kinikilalang ina na simula’t sapul ay trinato siyang parang tunay na anak.
 
Kasama sa episode na ito sina JJ Quilantang, Ces Quesada, John Bermundo, Art Guma, Regine Tolentino, Kathleen Hermosa at CJ Jaravata. Idinirehe ito ni Raz dela Torre at isinulat ni Mary Rose Colindres.
 
Huwag kalimutang panoorin ang longest-running drama anthology sa Asya, ang “MMK,” tuwing Sabado sa ABS-CBN. Para sa mga update, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o magpunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.