News Releases

English | Tagalog

UAAP Volleyball Finals, mapapanood sa ABS-CBN S+A at iWant Sports

May 10, 2019 AT 02 : 03 PM

Ateneo, UST pagtatalunan ang korona sa Women’s division…

Sisiklab na ang UAAP Volleyball Tournament Finals ngayong Sabado (Mayo 11) sa parehong Women’s at Men’s division, na mapapanood ng LIVE sa iba’t ibang plataporma ng ABS-CBN sa telebisyon, cable, at online.
 
Mauuna munang depensahan ng National University (NU) Bulldogs ang kanilang korona kontra sa the Far Eastern University (FEU) Tamaraws ng 12 nn. Samantala, magbabanggaan naman ang Ateneo de Manila University (ADMU) Lady Eagles at University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses ng 4 pm sa ABS-CBN S+A, S+A HD, LIGA, LIGA HD, sports.abs-cbn.com, at iWant Sports para sa bakanteng trono ng Women’s division. Mapapanood naman ang highlights ng mga laro sa ABS-CBN Sports YouTube channel.
 
Maraming hindi inasahang makapasok sa Finals ang Ateneo at UST sa Women’s division sa simula ng torneo pero hindi nagpatinag ang dalawang koponan na tinapos ang eliminations bilang numero uno at dos sa standings.
 
Pinahirapan ng bahagya ang UST sa pagsungkit ng kanilang twice-to-beat advantage sa Final Four nang harapin nito ang dating kampeon na De La Salle University (DLSU) Lady Spikers, dahil sa parehas nilang 10-4 na record. Naipanalo nila ang playoff at pinataob na ang DLSU sa kanilang Final Four match-up sa loob ng limang set, 25-19, 25-19, 20-25, 23-25, 15-10. Nanguna sa naturang laban sina Sisi Rondina at rookie Eya Laure para dalhin ang mga Tomasino sa kanilang unang Finals sa nakaraang walong taon.
 
Sa kabilang dako naman, dumaan sa butas ng karayom ang Lady Eagles, na nagtala ng 12-2 record sa eliminations, kontra sa FEU Lady Tamaraws na muntikan nang masipa ang koponan pagkatapos matalo sa unang pagkakataon sa mga tiga-Morayta. Hindi na nila pinalampas ang ikalawang pagkakataon para makapasok sa Finals nang talunin nila ang Lady Tams sa loob ng apat na set, 25-20, 21-25, 25-23, 25-14. Bumandera sina Kat Tolentino, Maddie Madayag, at Ponggay Gaston para sa Lady Eagles na hindi umabot sa kampeonato noong nakaraang taon.
 
Samantala, nais naman magdagdag ng isa pang titulo sa Men’s Volleyball ng NU Bulldogs kontra FEU Tamaraws sa Men’s division. Inaasahang mangunguna sa Bulldogs sina graduating hitter Bryan Bagunas, middle blocker Kim Malabunga, at mga rookie na sina Nico Almendras at Francis Saura, na nagtulung-tulong para talunin ang Adamson University Falcons. Para naman sa FEU, sina JP Bugaoan, Jude Garcia, at Richard Solis, ang kanilang sasandalan para makabawai sa mapait na sinapit noong UAAP Season 80.
 
Itatanghal naman ang mga indibidwal na parangal para sa pinakamagaling na mga manlalaro sa Mayo 15, 11:30 am para sa Men’s at 3:30 pm naman para sa Women’s.
 
Huwag palampasin ang mga unang laro sa Finals ng UAAP Season 81 Volleyball Tournament sa darating na Sabado (Mayo 11) na mapapanood ng LIVE mula sa FilOil Flying V Centre sa ABS-CBN S+A,S+A HD, LIGA, LIGA HD, iWant Sports, at sports.abs-cbn.com. Maghaharap ang NU at FEU sa Men’s division ng 12 nn para simulan ang lahat at susundan ito ng bakbakang ADMU-UST sa Women’s division ng 4 pm.
 
Para sa mga karagdagang istorya at balita sa UAAP Women’s Volleyball at mga bituin nito, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang www.abscbnpr.com.
 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE