News Releases

English | Tagalog

Pinagandang court, handog ng “Rated K,” “Matanglawin,” at “Sports U” sa mga batang silangan

August 16, 2019 AT 08 : 27 AM

The youth of Brgy. Sto. Rosario-Silangan, Pateros City are more inspired and excited to play sports and chase their basketball dreams after ABS-CBN current affairs programs “Rated K,” “Matanglawin,” and “Sports U” renovated their covered court.

Korina, Kuya Kim, at Dyan, nagsanib-pwersa sa public service

Mas inspirado at ganadong maglaro ng sports ang mga kabataan sa Brgy. Sto. Rosario-Silangan sa Pateros dahil sa pagpapaayos na ginawa ng mga programang “Rated K,” “Matanglawin,” at “Sports U” sa kanilang basketball court.

Iprinesenta ng ABS-CBN, sa pangunguna ng anchors na sina Korina Sanchez-Roxas, Kuya Kim Atienza, at Dyan Castillejo, ang pinagandang court sa barangay kamakailan lang. Nasubukan naman ito agad ng Batang Silangan basketball team na nakalaro pa ang kampeon ng Maharlika Pilipinas Basketball League na San Juan Knights, ang mga pambato ng Pilipinas sa 3x3 basketball, at ang Kapamilya artist na si Young JV.

Sabi ng manlalaro na si Gabriel Diesma, mas nae-enjoy na nilang maglaro ngayon dahil ligtas nang gamitin ang court. “Iwas disgrasya. Walang lubak at hindi madulas ang sahig.”

Dagdag pa ng teammate niyang si Dwayne Magallanes, dinarayo na rin ito ng mga taga ibang barangay. Bukod kasi sa pulidong pasilidad, may magagandang mural ding ipininta sa paligid ng court ang grupong Mural PH na nakakadagdag pa sa ganda ng lugar.

Ayon kay ABS-CBN News ecosystem head Ces Drilon, naisip nilang gawin ang proyekto upang makapaglingkod sa mga Pilipino maliban sa karaniwang paghahatid ng balita at aliw ng Kapamilya network.

“Gusto naming magiwan sa kanila ng isang bagay na magmamarka sa kanilang buhay. Sa pagpapaayos ng court, binibigyan natin sila ng lugar kung saan pwede silang magsama-sama at maging aktibo para sa kanilang kalusugan,” aniya.

Sa pagdating ng “Rated K,” “Matanglawin,” at “Sports U” sa kanilang bagong court, may dalang kanya-kanyang gimik at handog sa mga taga-Silangan ang bawat programa. Namigay ng mga tsinelas sa mga bata si Korina, ipinakilala rin ni Kuya Kim ang kanyang exotic pets, at nanguna naman sa Zumba si Dyan.

Bago pa ang basketball makeover sa Pateros, nagsanib-pwersa na rin ang mga programa nina Korina, Kuya Kim, at Dyan sa pagbibida sa mga kabataang may kahanga-hangang galing at kabutihang asal sa kampanyang “Ayos Ka Kid.” Ani Ces, marami pang mga proyekto silang pagsasamahan kung saan maghahatid sila ng saya at inspirasyon hindi lang sa mga bata kundi sa buong pamilya.

Mapapanood sa ABS-CBN ang “Sports U” tuwing Huwebes pagkatapos ng “Bandila,” ang “Matanglawin” tuwing 9:45 am ng Linggo, at “Rated K” tuwing 6 pm ng Linggo. Manood online sa iWant o skyondemand.com.ph. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang abscbnpr.com.