News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, gugunitain ang buhay ni Gina Lopez sa “Genuine Love" dokyu ngayong Linggo

August 22, 2019 AT 04 : 23 PM

Watch the inspiring story of the ABS-CBN Foundation, the individuals and communities it has helped, and the woman behind its enduring mission this Sunday (August 25) ) at 10:45 am before “ASAP Natin ‘To” and at 9 pm after “The Voice Kids.”

Kilalanin ang tao sa likod ng misyon ng ABS-CBN Foundation

Ibabahagi ng ABS-CBN ang kwento ng buhay ni Gina Lopez, kilalang tagapagtanggol ng kalikasan at kabataan, sa dokumentaryong pinamagatang “Genuine Love,” na mapapanood ngayong Linggo (Agosto 25) ng 10:45 am bago ang “ASAP Natin ‘To” at ng 9 pm pagkatapos ang “The Voice Kids.”

Likha ng ABS-CBN DocuCentral, tatalakayin ng “Genuine Love” ang kabataan ni Gina at ang kanyang ginawang paglisan sa marangyang pamumuhay upang hanapin ang mas malalim na misyon sa mundo.

Matapos magsilbi bilang Ananda Marga missionary nang mahigit 15 taon sa Africa, bumalik siya sa Pilipinas at pinamunuan ang ABS-CBN Foundation na layuning magbigay ng serbisyo publiko. Kabahagi ito ng ABS-CBN, ang pinakamalaking media network sa bansa, na itinatag ng kanyang ama na si Eugenio “Geny” Lopez Jr.

Sa kanyang pangunguna at pagpupursige, nasimulan ang maraming proyektong tumatak sa mga Pilipino tulad ng Educational Television (ETV) na siyang gumawa ng mga programa tulad ng “Sineskwela” at “Hiraya Manawari;” Bantay Kalikasan na nangangalaga sa kalikasan tulad ng La Mesa Watershed; at Bantay Bata 163, ang kauna-unahang rescue hotline sa Asya para sa mga batang biktima ng pang-aabuso.

Ang kanyang kampanya kontra sa iligal na pagmimina ang nagsilbing tulay upang siya ay maitalagang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources. Dito siya nakilala ng sambayanan bilang matapang na tagapagtanggol ng kalikasan. 

Matapos ang maikling panahon sa puwesto, hindi nagsayang ng oras si Gina at itinatag ang Investments in Loving Organizations for Village Economies (ILOVE) Foundation, kung saan napagkaisa niya ang mga pribadong kumpanya at mga ahensya ng gobyerno upang magigay ng pinansyal at teknikal na suporta sa mga organisasyong nais magsimula ng mga pagkakakakitaan sa mga komunidad. Pinakita niya ang mga kuwento ng mga komunidad na ito sa kanyang programang “G Diaries” sa ABS-CBN.

Lubos na nagdadalamhati sa kanyang pagkamatay nitong Lunes (Agosto 19) ang kanyang mga tagasuporta, mga katuwang sa adbokasiya, at mga natulungan, na nagsipagbahagi ng kanilang mga kwento at papuri sa sinseridad, determinasyon, at mabuting puso ni Gina.

Tampok din sa “Genuine Love” ang mga istorya tungkol sa kanya mula sa kanyang mga mahal sa buhay, kaibigan, at katrabaho na dumalaw sa kanyang burol na ginanap sa ABS-CBN. Mapapanood din sa dokumentaryo ang huling interview kay Gina ng batikang broadcaster na si Tina Monzon-Palma noong Hulyo 12.

Kilalanin ang matapang at mapagmahal na babae sa likod ng ABS-CBN Foundation ngayong Linggo (Agosto 25) ng 10:45 am bago mag “ASAP Natin ‘To” at 9 pm pagkatapos ng “The Voice Kids.” Manood online sa iwant.ph o skyondemand.com.ph. Samahan ang buong bansa sa pagalala sa kanya sa social media sa paggamit ng hashtag na #MaramingSalamatGinaLopez. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa abscbnpr.com.