News Releases

English | Tagalog

Aksyon at drama sa "Walang Hanggang Paalam," patok sa viewers

October 01, 2020 AT 10 : 39 AM

New ABS-CBN teleserye airs weeknights on Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, and iWant TFC.

Simula pa man ng bagong ABS-CBN teleseryeng "Walang Hanggang Paalam" ay nagpamalas na sa aktingan ang mga bida nitong sina Paulo Avelino, Zanjoe Marudo, at Angelica Panganiban, kaya naman todo ang pagpo-post ng mga manonood ng mga positibong komento sa social media.

Nitong linggo, nagsimula na ang paghahanap nina Emman (Paulo) at Celine (Angelica) para sa kanilang anak na si Robbie matapos itong kidnap-in ni Dexter (Jake Cuenca). Habang nag-iisip ng kanilang susunod na hakbang, bumuhos naman ang sama nila ng loob sa isa’t isa dahil naungkat ni Celine at ni Anton, ang kasalukuyang nobyo nya, ang mga pagkakamali ni Emman sa kanyang mag-ina.

Dahil sa mabibigat na eksena, ibinahagi ng mga manonood sa social media ang kanilang mga papuri para sa mga aktor at sa serye.

“Opening salvo pa lang mapapanganga ka na sa suspense ng mga eksena. Angelica looks so pretty, walang ka-effort effort,  bagay kay Paulo ang role, at si Zanjoe walang kupas. Nanibago ako kay Ms. Cherry Pie, glamorosa siya dito at kontrabida pa yata unlike sa madalas niyang role na poor siya but in fairness, she can give justice to both roles, ang galing,” sabi ni Carmencita Rafael sa isang komento sa YouTube.

“Sulit na sulit, sobrang ganda! Ang gagaling ng mga character nila lalo na si Ms. Angelica, Paulo at Zanjoe, sinamahan pa ni Jake na ang titindi ng mga eksena. Grabe doon pala umiikot ang istorya, ang galing talaga,” sabi naman ni Rhodzsam Latoja.

Komento rin ni Cristina Goco, “Loved every scene! Sunod-sunod na heavy drama ang scenes nina Angelica at Paulo dito, lalo akong bumilib sa kanila. This is the kind of teleserye I've been looking for. May mga nangyari na hindi ko inexpect o napredict, ang galing!”

Sa pagpapatuloy ng kwento, malapit na ring mapanood si Arci Munoz bilang si Sam, ang babaeng tutulong sa paghahanap kay Robbie upang mapalapit kay Emman.

Bukod naman sa “Walang Hanggang Paalam,” napapanood din ang mga bida sa kanilang chikahan sa gap show na “Walang Hanggang Kamustahan” para sa online viewers ng Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook.

Sundan ang paghahanap kay Robbie sa “Walang Hanggang Paalam” gabi-gabi ng 9:20 PM sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD  at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa).

Panoorin din ito sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWant app o iwanttfc.com, at TFC sa iba’t ibang bansa. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.