News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, nanguna para sa Pilipinas sa Asian Academy Creative Awards 2020

October 16, 2020 AT 03 : 53 PM

ABS-CBN brings honor to the country with 14 national winners at the prestigious Asian Academy Creative Awards (AAAs) 2020 that will represent the Philippines and compete against the best of Asian countries in the regional awards night happening this December.

Patuloy na ibinabandera ng ABS-CBN ang husay at talento ng Pilipino matapos magtala ng 14 na national winner sa prestihiyosong Asian Academy Creative Awards (AAAs) 2020 na siyang kakatawan sa Pilipinas at lalaban sa mga pambato ng ibang bansa sa Asya sa gaganaping awards night sa Disyembre.

Nakamit ng ABS-CBN ang pinakamaraming national awards na tinanggap ng Pilipinas kabilang ang Best Telenovela/Soap Opera para sa “Killer Bride” at Best Drama Series para sa “A Soldier’s Heart.” Ang ika-14 na panalo ng ABS-CBN ay para sa “Jake and Charice,” isang produksyon kasama ang Documentary Japan Inc., na tinanghal na national winner para sa Best Documentary Programme sa Japan.

Tagumpay rin ang iba pang likha ng nangungunang media at entertainment company sa bansa para sa iba-ibang plataporma sa media. Best Non-Scripted Entertainment ang orihinal nitong talent reality show na “Your Moment,” samantalang Best Lifestyle Program naman ang “Dreamcatchers: Malapacao (Season 3).”

Tinanghal ding national winner ng Best Feature Film ang “Hello, Love, Goodbye” ng ABS-CBN Film Productions Inc., na highest-grossing local film sa bansa. Wagi rin para sa “Hello, Love, Goodbye” si Cathy Garcia-Molina bilang Best Director (Fiction), habang national winner din siya sa kategoryang Best Original Screenplay kasama sina Carmi Raymundo at Rona Co para sa nasabing pelikula.

Sa digital naman, humamig ang ABS-CBN streaming service iWant (na iWantTFC na ngayon) ng apat na panalo kabilang ang Best Original Program by an OTT para sa “The Tapes,” Best Documentary Series para sa “The Last Manilaners,” Best Animated Series (2D or 3D)  para sa “Jet and the Pet Rangers,” at Best Actor para kay Arjo Atayde na bida sa iWant orginal series na “Bagman.”

Lalaban din sa mga kalahok mula sa ibang bansa ang “Coke Studio (Season 3)” ng UxS at ABS-CBN na pambato ng Pilipinas para sa Best Branded Programme or Series at Best Music or Dance Programme.

Patuloy na gumagawa ang ABS-CBN ng de kalidad na mga palabas sa iba’t ibang media platforms para sa mga manonood sa buong mundo. Marami sa mga programa nito ang tinatangkilik na sa mga bansa sa Asya, Africa, at South America.

Mapapanood ang mga programa at pelikula ng ABS-CBN sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel, sa online sa Kapamilya Online Live at iWantTFC, at sa free TV sa A2Z channel 11. Available din ang Kapamilya content sa ibayong dagat sa pamamagitan ng TFC, the Filipino Channel.