News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN: Hindi nawala sa mga Lopez ang pagmamay-ari ng network

June 15, 2020 AT 07 : 16 PM

Nanindigan ang ABS-CBN na ligal ang pagbabalik ng mga pasilidad ng ABS-CBN sa mga Lopez dahil hindi naman ito nawala sa kanilang pagmamay-ari maski noong panahon ng martial law sa bansa.

 

“Hindi po nawalay ang pag-aari ng Lopez family sa ABS-CBN at mga broadcast facilities and equipment even from the time when Martial Law was declared until today,” paliwanag ni Atty. Arecio Rendor Jr. sa ginanap na pagdinig sa Kamara para sa franchise application ng ABS-CBN ngayong araw (Hunyo 15).

 

Sabi pa ni Rendor, patunay dito ang titulong ibinigay sa ABS-CBN noong 1967 at mga share of stocks na nanatili sa mga stockholders. Tanging ang paghawak umano sa mga lupa at kagamitan ang kinuha sa ABS-CBN.

 

Dagdag pa ni Rendor, na naging bahagi ng arbitrasyon para makuha muli ng ABS-CBN ang mga pag-aari nito, dumaan sa tamang proseso ang pagbabalik ng mga lupa at pasilidad sa pamilyang Lopez pagkatapos ng EDSA Revolution.

 

Nagsimula raw ang proseso nang sumulat ang abogado noon ng ABS-CBN na si Lorenzo Tanada kay Pangulong Cory Aquino noong Abril 17, 1986 na ibalik na sa poder ng ABS-CBN ang mga pag-aari nito sapagkat wala na sa panahon ng krisis ang bansa.

 

Sabi ni Rendor na nagkaroon ng kasunduan para sa isang arbitrasyon noong Enero 6, 1987.

 

Binanggit ni Rendor ang iba pang detalye sa naganap na arbitrasyon sa pagitan ng ABS-CBN at gobyerno kabilang ang desisyon ng Korte Suprema noong Oktubre 16, 1989 pabor sa kasunduan ng administrasyon ni Cory Aquino at ABS-CBN.

 

Nagpatuloy ang proseso hanggang sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, kung kailan inaprubahan ng Branch 65 ng Makati Regional Trial Court ang desisyon ng arbitration board noong Hunyo 23, 1995.

 

Aniya, dalawang administrasyon ang tumanggap sa pagbabalik sa ABS-CBN ng mga lupa, ari-arian, at kagamitan nito. Ang pagpapatibay ng Korte Suprema sa naging kasunduan ay patunay din daw na naayon sa Saligang Batas ang pagbabalik ng mga ito.

 

Ayon pa kay Rendor, ang ABS-CBN ang agrabyado base sa Bill of Rights, na nagsasabi na ang pribadong ari-arian ay hindi pwedeng kunin para sa pampublikong gamit nang walang karampatang bayad.

 

Sa kanyang manipestasyon, sinabi ni Rep. Gabriel Bordado Jr. na kailangan respetuhin ng Kongreso ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa pagbabalik ng mga pasilidad sa ABS-CBN.

 

Dagdag pa niya, ang pagtutol sa aplikasyon ng prangkisa ng ABS-CBN dahil sa isyu sa pagkuha muli ng mga ari-arian ay pag-kwestyon sa desisyon noon ni Presidente Corazon Aquino, na hindi naman napatunayang labag sa Saligang Batas.

 

Una nang dinepensahan ni ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak ang pagkuha muli ng Lopez family sa ABS-CBN noong hearing noong Hunyo 1. Sabi niya, aprubado ito ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), the Office of the President, at Supreme Court, at naisakatuparan lang anim na taon matapos ang EDSA revolution.

 

Ito raw ang pinakamasakit na akusasyon dahil sa ipinasara ang ABS-CBN noong 1972.

“Hindi kailanman ibinenta ng mga Lopez ang network. Basta na lang ginamit ang mga pasilidad nito nang walang binabayarang renta,” aniya.