News Releases

English | Tagalog

UAAP stars, tampok sa "Home Jam: Dunkers Only" ng ABS-CBN Sports

June 24, 2020 AT 01 : 56 PM

Juan, Thirdy, and Jamie will face-off in ABS-CBN Sports' "Home Jam: Dunkers Only" on June 27.

Dakdakan nina Juan, Thirdy, at Jamie, ngayong Sabado na!
 

Tuloy pa rin ang aksyon ngayong panahon ng quarantine sa paglunsad ng ABS-CBN Sports sa “Home Jam: Dunkers Only,” isang slam dunk contest tampok ang tatlong UAAP stars na mapapanood ng live sa Facebook at Instagram ng ABS-CBN Sports ngayong Sabado (Hunyo 27) ng 2 pm.

Mula sa kani-kanilang mga basketball court, ipapamalas nina Juan Gomez De Liaño ng University of the Philippines Fighting Maroons, Thirdy Ravena ng Ateneo Blue Eagles, at Jamie Malonzo ng De La Salle Green Archers ang kanilang husay at talento sa dakdakan sa loob ng tatlong round.

Magsisilbing hurado sa labanang ito si Kobe Paras, ang kampeon sa 2013 at 2015 FIBA 3x3 Under-18 World Championship dunk competition, at si Robert Bolick, ang dating kampeon mula sa NCAA at kasalukuyang point guard para sa NorthPort Batang Pier. 

Makakasama nila bilang host ng kompetisyon ang NU Bulldog na si Shaun Ildefonso, na mayroong digital show sa ABS-CBN Sports na “SRSLY.”

Bukod sa dunk contest, dapat ding abangan ng sports fans sa “Home Jam” series ang three-point shootout at skills challenge kasama ang iba pang mga sikat na atleta. Pipiliin sila batay sa kanilang galing at sa pagkakaroon nila ng court na mapapaglaruan, alinsunod sa mga patakaran kaugnay sa ipinapatupad na community quarantine.

Panoorin ang slam dunk contest nina Juan, Thirdy, at Jamie sa “Home Jam: Dunkers Only” ngayong Sabado (Hunyo 27) ng 2 pm sa ABS-CBN Sports Facebook at Instagram accounts.

Makiisa sa iba pang Kapamilya sports fans, sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook, Twitter at Instagram at magsubscribe sa ABS-CBN Sports YouTube channel. Para sa iba pang sports videos, bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.