News Releases

English | Tagalog

Pahayag ng ABS-CBN sa alias cease and desist order na inilabas ng NTC

June 30, 2020 AT 08 : 39 PM

Viewers with TVPlus set-top boxes in Metro Manila will be unable to watch Teleradyo, Jeepney TV, Yey!, Asianovela Channel, CineMo, and KBO.

Bandang 2:26 PM ngayong araw, natanggap ng ABS-CBN ang alias cease and desist order (CDO) mula sa National Telecommunications Commission (NTC) na pinapatigil ang digital TV transmission ng ABS-CBN sa Metro Manila gamit ang channel 43.

Hindi man nakasaad ang channel 43 sa CDO ng NTC noong Mayo 5, 2020, at sa pagkakaintindi ng ABS-CBN ay hindi sakop ng CDO ang channel 43, hihinto na ang digital TV transmission sa Metro Manila sa channel 43 ngayong gabi (Hunyo 30), bilang pagsunod sa alias CDO.

Ibig sabihin, hindi mapapanood ng mga may TVPlus set-top boxes sa Metro Manila ang Teleradyo, Jeepney TV, Yey!, Asianovela Channel, CineMo, at KBO.

May nakabinbing petisyon ang ABS-CBN sa Korte Suprema na kinukuwestiyon ang CDO ng NTC. Umaasa ang ABS-CBN na mareresolba ito sa panig ng network para makapagpatuloy na ito sa pag-broadcast sa parehong analog at digital platforms at maglingkod sa mga Pilipino.