Nagpasalamat at nagpaalam na ang mga host ng ABS-CBN Sports na sina Robi Domingo, Gretchen Ho, at Alyssa Valdez ng "University Town" (UTown), pati sina Martin Javier, Janeena Chan, Turs Daza, at Angelique Manto ng "Upfront" sa mga programang ito na humubog sa kanilang buhay.
Para kina Robi at Gretchen, na apat na taon na sa "UTown," ikinagagalak nilang maging bahagi ng programa dahil nakababalik sila sa panahong estudyante pa sila sa pagsasalamin nito sa buhay ng mga mag-aaral sa bawat UAAP campus.
"Kapag nakikita ko ang mga estudyante sa mga unibersidad na pinupuntahan namin, naaalala ko ang mga pangarap ko noong nag-aaral pa lamang ako," sabi ni Robi.
"Parang kaming nasa playground dahil napakasaya ang aming pakikihalubilo sa mga estudyante tungkol sa buhay sa unibersidad," dagdag ni Gretchen.
Para naman sa dating Queen Eagle na si Alyssa Valdez, na binigyang pagkakataon ng ABS-CBN Sports na maging bahagi ng "UTown" at maging ng sports-lifestyle program na "Upfront," nakatulong ang mga karanasan niya sa hosting sa pagpapatibay ng tiwala niya sa sarili.
Tulad niya, naging mas kumportable at likas sa harap ng camera ang UP Fighting Maroon na si Ricci Rivero, na naging segment host din sa "Upfront."
Ginabayan naman sila ng "Upfront" squad na binubuo nina Martin, Angelique, Turs, at Janeena. Taos-puso ang pasasalamat ng apat na maging bahagi ng programang nagsimula muna bilang isang pre-game at halftime show ng UAAP Season 78 noong 2015.
Para kay Martin, na bahagi rin ng broadcast panel ng NCAA, UAAP, at MPBL, at kay Angelique, na dating UAAP courtside reporter, naging makabuluhan sa kanila ang karanasan sa ABS-CBN Sports, kung saan nalinang ang kanilang kakayahan.
Ayon naman kay Turs, hindi matatawaran ang naging ambag ng "Upfront" sa local sports dahil binigyang pagkakataon ng programa ang mga fans na higit na makilala ang mga iniidolo nilang atleta.
Samantala, nagbigay-pugay naman si Janeena, na isa sa mga pinakaunang host ng "Upfront," sa mga nakatrabaho niya sa ABS-CBN Sports na itinuturing niyang blessing sa kanyang buhay.
Sa huling episode ng "Upfront" sa Huwebes (Agosto 27) ng 8 am, samahan silang magbalik-tanaw sa pinakapatok na edisyon ng Upfront Swag, Challenge Accepted, Squad Goals, 10 Things, What’s in My Bag, at Upfront Trending sa "Best of Upfront," na may replay ng 1 pm at 6 pm sa LIGA at LIGA HD.
Mapapanood pa rin ang mga nagdaang episode ng "UTown" sa ABS-CBN Sports YouTube channel at iWant.
Para sa karagdagang balita sa mundo ng sports, sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook, Twitter at Instagram o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.