News Releases

English | Tagalog

Knowledge Channel, Robi and MayMay's 'Call Me MayBi' namigay ng laptop sa dalawang guro

November 26, 2021 AT 10 : 12 AM

Visit knowledgechannel.org for more educational materials and the latest updates on Knowledge Channel

May free writing workshop din ang 'Wikaharian Online Live'
 
Patuloy ang Knowledge Channel sa layunin nitong umagapay sa mga Pilipino na makasabay sa distance learning efforts ng bansa ngayong panahon ng pandemya matapos itong makipag-ugnayan sa programang "Call Me MayBi" nina Robi Domingo at MayMay Entrata para mamigay ng tig-isang laptop at portable media library sa dalawang nakaka-inspire na guro. 

Sa season finale ng nasabing show sa FYE Channel ng Kumu noong Nobyembre 5 (Biyernes), ipinakilala nina Robi at MayMay ang napili ng Knowledge Channel mula sa mahigit isandaang nagsumite ng kanilang entry sa iba't ibang dako ng bansa na makatanggap ng bagong laptop. Kasama nito ang Knowledge Channel Portable Media Library, na naglalaman ng mahigit 1,500 video lessons na makatutulong sa kanilang pagtuturo online.
Isa rito si Chinly Ruth Alberto ng San Isidro Elementary School sa Catanduanes. Aniya, suliranin kung maituturing ang kakulangan ng mga gadyet sa pag-aaral ng mga estudyante, lalo na at online schooling ang umiiral ngayon sa bansa. 

"Pagdating po sa education, especially po sa school namin, talaga pong technology ang problema kasi sa iba ang problema nila internet connection, sa amin po malakas ang internet connection pero wala pong gadgets ang mga bata," sabi ni Teacher Chinly.

Maliban sa kakulangan sa mga gadyet, apektado rin ang ICT equipment ng paaralan matapos sumalanta ang bagyong Rolly sa Bicol region noong 2020. 

Kakulangan sa gamit din ang naging pagsubok sa Grade 9 English teacher na si Joharra Calyawa ng Sultan Ali Akbar Sinenggayan National High School sa Sultan Kudarat. Pero patuloy pa rin ang dedikasyon niyang magturo at ipaintindi sa mga magulang ang kahalagahan ng edukasyon ngayong panahon ng pandemya. 
"Nag-hit po ang pandemic, lahat nabago ng pandemic from traditional face-to-face to online class, naging new normal education and hindi po madali iyon para sa lahat. Kung mahirap po sa aming mga teacher, mas mahirap po sa parents," saad ni Teacher Joharra. 

Dahil sa mga kwentong ito, naantig sina Robi, MayMay, at ang mga manonood ng "Andito Tayo Para Sa Isa't Isa: The Thanksgiving Finale" ng "Call Me MayBi."
 
"Umpisa pa lang ng aming season, that has been the goal: to teach people about different lessons in life and to share stories. And kami po ay natutuwa dahil sa tulong ng ating callers, nakakuha tayo ng pondo to pay it forward. And we developed this segment, hopefully right now we can help you kasi kayo po ang napili namin para magkaroon ng brand new laptops and educational kits na magagamit niyo para sa pagpapatuloy ng inyong pagtuturo," anunsyo ni Robi sa mga guro.
 
"Grabe, tunay na bayani po kayo! Tunay talaga na inspirasyon kayo. Sobrang thankful din ako kasi nga po pinagdaanan ko po itong online class at hindi po siya biro. Sobrang hirap and how much more sa pinagdaanan niyong wala po kayong internet, wala po kayong masyadong gadyet kaya po nakaka-inspire po ang stories ninyo," saad din ni MayMay.

Samantala, patuloy rin ang Knowledge Channel sa paghasa sa imahinasyon ng kabataan sa pamamagitan ng pagkukwento sa tulong ng libreng story writing workshop ng "Wikaharian Online Live" kasama si Teacher Michelle, tuwing Lunes, 11 ng umaga sa Kumu at sa Facebook page ng Knowledge Channel, bilang pagdiriwang sa National Reading Month ngayong Nobyembre. 

Bisitahin din ang knowledgechannel.org para sa karagdagang educational materials at mga updates patungkol sa Knowledge Channel.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE