People in Mindanao have felt the love and concern of ABS-CBN as residents in Surigao del Sur affected by the pandemic received relief goods and those victims of typhoon Auring got additional support to bounce back.
Community pantry movement, umabot na sa ABS-CBN
Umabot sa Mindanao ang pagpapadama ng ABS-CBN ng pagmamahal at malasakit sa paghatid nito sa mga taga-Surigao del Sur ng ayuda na pantawid sa pandemya, at dagdag tulong sa mga nasalanta ng bagyong Auring.
Sa munisipyo ng Lanuza, nakapagbigay ang ABS-CBN Foundation ng relief packs sa 158 na pamilya sa Sitio Ibuan, isang indigenous people’s community sa Barangay Mampi, pati na sa 90 pamilya sa Sitio Himatagan sa Barangay Agsam.
Kwento ng magsasakang si Eudes Duaso sa ABS-CBN News, hirap silang magbenta ng mga produkto sa bayan dahil sa quarantine, kaya naman lubos na apektado ang kaniyang hanapbuhay. Kung noon kumikita siya ng P20,000 kada buwan, ngayon halos wala na silang pambili ng pagkain.
Sa bayan naman ng San Miguel, kung saan patuloy bumabangon ang mga naapektuhan ng abot-dibdib na pagbaha dahil sa bagyong Auring noong Pebrero, ikinuwento ng residenteng si Teodoro Montero sa “TV Patrol” na nawasak ang kanyang bahay ng bagyo. Ang magsasaka rin na si Jasmine Llana, nalubog ang palayan ng baha at putik sa report ng “TV Patrol.”
Sa pakikipagtulungan ng ABS-CBN, nabigyan ng binhi ang mga taga-San Miguel, nailapit sa DSWD ang panawagang mabigyan ng financial assistance ang mga nawalan ng tirahan, at nakapaghatid ng tulong at ligtas bags sa higit 400 pamilya sa lugar.
Maging mga tourism worker sa munisipyo ng Cagwait, nakadama rin ng Kapamilya love sa pamimigay ng ABS-CBN ng relief packs sa mga trabahante ng 18 resort. Tadtad ng beach resort ang lugar, pero dahil sa umiiral na community quarantine, matumal ang pasok ng turista at humina ang kita ng tourism workers tulad ng surfing instructors at tour guides.
“Sobrang tuwa po dahil kahit wala na kayo sa ere, patuloy ang inyong suporta sa mga tao. Kahit ang layo layo na namin sa Manila, pumunta kayo,” ani ng Suriganon mula sa San Miguel na si Japol Montero sa isang panayam sa “TV Patrol.”
Naging posible ang paghatid ng tulong at pag-asa dahil sa donors ng “Pantawid ng Pag-ibig: Pilipino para sa Pilipino” ng ABS-CBN Foundation na patuloy pa ring tumatanggap ng donasyon.
Samantala, kabilang sa tulong na hatid ng "Pantawid ng Pag-ibig: Pilipino Para sa Pilipino," nakiisa na rin ang ABS-CBN Foundation sa lumalaganap na community pantry movement sa bansa. Nagbukas ang community pantry noong Huwebes (Abril 22) sa may Eugenio Lopez Drive sa labas ng gate ng ABS-CBN compound, upang tulungan ang mga kababayan nating walang kakayahang bumili ng pagkain. Bukas ito mula 8 am hanggang 12 ng tanghali, Lunes hanggang Sabado. Sisikapin din ng naturang Foundation na mamigay ng bigas at canned goods sa 10 community pantries araw-araw sa Metro Manila.
Para sa updates sa mga proyekto, sundan ang ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc) sa Facebook. Para naman sa Kapamilya updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa abs-cbn.com/newsroom.