News Releases

English | Tagalog

Jane, kumampi na kay Coco sa "FPJ's Ang Probinsyano"

June 10, 2021 AT 12 : 30 PM

What will happen once President Oscar gains consciousness? Will Cardo learn to trust Lia?

Presidente Oscar, magigising na!

Nadagdagan ang mga kakampi ni Cardo (Coco Martin) dahil desidido na ang dati niyang kaaway na si Lia (Jane De Leon) na protektahan ang Task Force Agila sa “FPJ’s Ang Probinsyano,” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Dahil nababalot ng sariling konsensya sa pagkakapatay ng Black Ops sa asawa ni Cardo, sinuway ni Lia ang batas sa pagpapatuloy niya kina Cardo sa bahay ng pamilya niya para tulungan silang magtago mula sa mga awtoridad at sa mga kalabang tumutugis sa kanila.

Mas kakailanganin din ngayon ni Cardo ang tulong ni Lia dahil nagsanib-pwersa na ang mga mortal niyang kaaway na sina Lito (Richard Gutierrez) at Lily (Lorna Tolentino).

Panibagong kalbaryo naman ang haharapin ni Lily dahil sa wakas ay magigising na si Presidente Oscar (Rowell Santiago), na ngayon ay mapapasailalim na rin sa kapangyarihan ng kaaway nitong si Renato (John Arcilla),

Anong naghihintay sa kanila sa muling paggising ni Presidente Oscar? Matutunan kaya ni Cardo na pagkatiwalaan si Lia?

Patuloy na sinusubaybayan ng mga manonood ang matitinding bakbakan ni Cardo dahil nagtala ng panibagong record ng pinakamaraming viewers na sabay-sabay na nanonood sa Kapamilya Online Live sa YouTube matapos makakuha ng 156,099 live concurrent viewers ang episode noong Hunyo 8.

Huwag palampasin ang mga maaaksyong eksena sa “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “FPJ’s Ang Probinsyano.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang abscbnpr.com.