News Releases

English | Tagalog

Star Magic at Bayan Mo, iPatrol Mo, sanib-pwersa para hikayatin ang mga Pilipino na magparehistro para sa Halalan 2022

August 19, 2021 AT 02 : 16 PM

Star Magic and BMPM announced their partnership in coordination with the Commission on Elections (Comelec) on Thursday (August 19), and introduced the stars that have joined the cause.

Kapamilya stars magsisilbing ambassadors…  
 

Buong pusong gagamitin ng Star Magic artists ang kanilang boses para imulat ang lipunan sa kahalagahan ng bawat boto bilang mga ambassador ng voter registration campaign ng Bayan Mo, iPatrol Mo (BMPM) ng ABS-CBN. 

Inilunsad ang pagtutulungan sa pagitan ng Star Magic at BMPM katuwang ang Commission on Elections (Comelec) ngayong Huwebes (Agosto 19), kung saan ipinakilala na rin ang mga makakasama sa pag-engganyo sa mga Pilipino na magparehistro upang makaboto sa darating na halalan sa 2022. 

Kabilang sa kanila sina Robi Domingo, Ria Atayde, Edward Barber, Donny Pangilinan, Miles Ocampo, Aya Fernandez, Alora Sasam, Karina Bautista, Josh Colet, Anji Salvacion, Charles Kieron, Heaven Peralejo, Pepe Herrera, at Dominic Ochoa.

“This is a most consequential election in our country's history kaya mahalaga na manindigan tayo sa karapatang ito. Maraming salamat sa Star Magic at Comelec pati sa iba pang grupo na nagsusulong ng voter registration,” ani ABS-CBN News head Ging Reyes. 

Ayon kay Comelec director James Jimenez, malaki ang maitutulong ng mga artista upang mahikayat ang sambayanan na magparehistro sa 2022 national elections.  

“Natutuwa kami sa proyektong ito para ma-address 'yung perennial problem na 'yan, o disinterest o unengaged ang mga kabataan. Ang kabataan ngayon ay bumubuo ng mahigit one-third ng ating voting population.” 

Ayon naman kay Star Magic head Laurenti Dyogi, kay Robi Domingo nanggaling ang ideya na magkaroon ng voter registration campaign. 

“Nagsimula po itong proyekto na ito kay Robi Domingo. Siya po ang lumapit sa amin at nagsabing gusto niyang makatulong sa darating na eleksyon at gusto niyang ma-educate ang mga kabataan natin sa Star Magic.” 

Para naman sa ambassadors na sina Robi Domingo at Ria Atayde, mahalaga ang pagboboto para sa kinabukasan ng bayan. 

“Remember that we're gonna be part of something big, it's not a story of a champion or a titleholder, this is not just our story, it's history. It will have a ripple effect on the future generations. Instead of saying ‘isa lang ako,’ say, ‘isa pa ako,’ ani Robi. 

Dagdag naman ni Ria, “You don't have to have a million followers to create change. So it's good to see that within our circle in Star Magic, we're doing this. As simple as one vote seems, your vote matters.” 

Bibigyang diin ng ambassadors ang mahalagang papel ng kabataan sa pagtaguyod ng bansa at ng kanilang paglahok sa halalan sa mga gaganaping BMPM workshop sa buong Pilipinas at sa social media. 

“Pinapakita na sa pamamagitan ng BMPM, ng citizen journalism, pwede tayong makatulong para sa ating barangay, ekswelahan, at bayan. Panahon na uli ng eleksyon, kaya tulong-tulong po tayong mag-patrol. Nandito po kami para sa inyo, eleksyon man o hindi,” ayon kay Bayan Mo, iPatrol Mo head Weng Paraan.  

Pwede pang mag-register para makaboto ang lahat ng Filipino citizens na 18 taong gulang pataas na residente ng bansa sa loob man lang ng isang taon at naninirahan sa lugar na pagbobotohan niya sa loob ng anim na buwan.   

Kailangan lang sagutan ang online forms sa iRehistro (irehistro.comelec.gov.ph/cef1) at pumunta sa malapit na Comelec office upang i-submit ang application form kasama ng valid ID at photocopy nito. Hanggang sa Setyembre 30, 2021 ang registration period.  

Ayon kay Commissioner Rowena Guanzon, may 5.77 milyon na new voters na para sa 2022 national elections.  

Para sa ibang balita, i-follow ang ABS-CBNPR sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram (@abscbnpr) o pumunta sa abs-cbn.com/newsroom.