News Releases

English | Tagalog

Samahan nina Amy, Jeff, at Johnson, mas tumatag sa ikalawang taon nila bilang hosts ng "Sakto" ng TeleRadyo

October 26, 2022 AT 04 : 34 PM

Amy Perez, Jeff Canoy, and Johnson Manabat, the weekday companions of Kapamilya early birds who have been watching TeleRadyo’s morning show “Sakto,” which is celebrating its second year on air, shared that their bond is stronger than ever.

Mga artista at iba pang surprise guest, dadalo sa morning show
 

Mas tumibay at lumalim pa ang samahan nina Amy Perez, Jeff Canoy, at Johnson Manabat bilang hosts ng “Sakto,” ang morning show ng TeleRadyo na nagdiriwang ng pangalawang taon nito sa ere ngayong Oktubre.
 
Ayon kay Amy, malalim na ang tiwala nila sa isa’t isa sa patuloy nilang pagtupad ng kanilang pangakong maghatid ng “magandang morning” sa mga Pilipino.
 
“Sobra na ‘yung trust namin sa isa’t isa. Ika nga nila when it comes to hosting, kailangan kahit na wala ka nang salitaan, tinginan lang, alam mo na dapat kung ikaw na ‘to o siya na ‘to. Sa dalawang taon, umabot na kami sa level na ‘yun. Na-develop na namin ‘yung ganoong rapport, trust, at understanding na nandiyan kami para sa isa’t isa,” kwento ni Amy.
 
Kitang-kita ang espesyal na koneksyon ng tatlo sa kanilang pagbabalita at kulitan sa set. Sa katunayan, ibinahagi rin ni Johnson, na hindi pa naging host ng isang morning show bago ang “Sakto,” na ramdam niya lagi ang suporta at gabay nina Tyang Amy at Jeff para ma-adjust niya ang kanyang hosting skills para bumagay sa morning show format.
 
Aniya, “sa show na ‘to ko na-feel ‘yung alalay nila. Kasi ako galing sa news, tapos sila morning show ang orientation, so pinalambot nila ako rito para sumakto sa format ng morning show na ‘di laging serious. Nararamdaman ko na hindi nila ako iniiwan.”
 
Para naman kay Jeff, tinuturing niyang isang blessing ang “Sakto” dahil dumating ito sa tamang oras para punan ang espasyong iniwan ng “Umagang Kay Ganda.”
 
Paliwanag niya, “bawat umaga may dalang pangako na pwedeng mas maging maganda ‘yung araw tapos part ka ng ganoong misyon. ‘Yun ang feeling kong blessing talaga ang pakiramdam kasi binibigyan ka ng chance na tumulong sa mga Kapamilya at kababayan mo na magbigay ng impormasyon and at the same time, magpasaya.”
 
’Yung mahalaga ay may puwang na ulit sa umaga para sa balita at impormasyon. ‘Yun talaga ang na-miss ng marami sa mga Kapamilya natin,” dagdag ni Jeff.  
 
Umaasa sina Amy, Jeff, at Johnson na mas marami pa silang maimbitahang guests sa studio, maitampok na live performances, makagawa ng cooking segments, at makapunta sa ibang mga lugar kapag patuloy na gumanda ang sitwasyon ng bansa sa gitna ng pandemya.
 
Para sa ikalawang anibersaryo ng “Sakto,” dumalo na sa morning show sina “It’s Showtime” Miss Q&A winner Anne Patricia Lorenzo at Ogie Alcasid. Makakaasa rin ang viewers na mas marami pang artista at surprise guests ang makakasama nila Amy, Jeff, at Johnson sa mga susunod na araw.
 
Manood ng “Sakto” mula Lunes hanggang Biyernes, 6 am hanggang 7:30 am sa TeleRadyo at Kapamilya Channel sa free TV, cable, at online sa iWantTFC, ABS-CBN News YouTube Channel, DZMM TeleRadyo Facebook page, at the ABS-CBN Radio Service App.
 
Para sa iba pang update, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, and TikTok, or visit www.abs-cbn.com/newsroom