News Releases

English | Tagalog

Sagip Pelikula at FDCP, magpapalabas ng restored classics sa Manila Metropolitan Theater

February 18, 2022 AT 10 : 15 AM

The collaborative event's first leg will happen on February 20 (Sunday) at the re-opened Metropolitan Theater and will feature screenings of beloved Pinoy classic films

Palabas muli ang "Sana Maulit Muli," "Dalagang Ilocana," at "Pagdating sa Dulo"

Kaisa ang Sagip Pelikula ng ABS-CBN Film Restoration at ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pagpapalabas ng restored Pinoy classics nang libre sa "Mga Hiyas ng Sineng Pilipino" sa Manila Metropolitan Theater (MET) simula Pebrero 20 (Linggo). 

Ipapalabas muli ng mga natatanging pelikulang Pilipino noon sa pinilakang-tabing, na sinagip at pinaganda para mapanood muli ngayon at sa susunod pang mga panahon.

Kabilang sa mga ipalalabas ang award-winning 1995 romantic-drama hit ng Star Cinema na "Sana Maulit Muli" tampok sina Aga Mulach at Lea Salonga. Mapapanood muli ng madla ang pag-iibigan nina Jerry (Aga) at Agnes (Lea) at kung paano susubukin ang kanilang relasyon matapos mag-abroad si Agnes para makasama ang nawalay na ina habang gugugulin naman ng binata ang sarili sa pagtatrabaho para sa kanilang kinabukasan. Matapos ang ilang mga hamon, hindi nagtagal ay naghiwalay ang dalawa pero desidido si Jerry na sundan si Agnes sa Amerika para magsimulang muli. 

Ihahatid din ng FDCP at ng Philippine Film Archive (PFA) ang ilan pang mga digitally restored na obra noon, tulad ng "Dalagang Ilocana" (1954) na pinagbidahan nina Gloria Romero, Dolphy, Ric Rodrigo, at Tita de Villa sa direksyon ni Olive La Torre; at "Pagdating sa Dulo" (1971) na pinangunahan ng Pambansang Alagad ng Sining na si Ishmael Bernal tampok sina Rita Gomez, Eddie Garcia, Vic Vargas, Rosemarie Gil, Ronaldo Valdez, at iba pa. 

Mapapanood din nang libre sa darating na Linggo ang "Dalagang Ilocana" ng 10 AM, "Pagdating sa Dulo" ng 1:30 PM, at "Sana Maulit Muli" ng 3 PM. 

Para makakuha ng libreng tickets kada pelikula, magparehistro online sa bit.ly/DLsaMET para sa "Dalagang Ilocana," bit.ly/PSDsaMET para sa "Pagdating sa Dulo," at bit.ly/SMMsaMET para sa "Sana Maulit Muli." Paalala rin sa mga manonood na sundin ang health at safety protocols sa loob ng tanghalan.

Ipinagdiwang ng ABS-CBN Film Restoration ang ika-10 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng proyekto nitong Sagip Pelikula. Tumanggap na ito ng ilang award tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kamakailan lang din ang Gawad PASADO sa Pagsisinop ng mga De Kalibreng Pelikula mula sa katatapos lang na 23rd Gawad PASADO ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).

Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa Sagip Pelikula, i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).