The benefit concert series "By Request 3" is happening until March 29.
Kasama sina Martin, Ice, Bamboo, Erik, Zsa Zsa, at iba pa
Tuloy-tuloy sa paghahatid ng kanilang musika ang ilang OPM artists para makatulong sa mga nasalanta ng Bagyong Odette sa "By Request 3” benefit concert series na bahagi ng 100 araw na kampanyang "Tulong-Tulong sa Pag-Ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan" ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation.
Sinimulan ni Martin Nievera ang “By Request 3” noong Linggo (Marso 20) upang makalikom ng pondo para sa home repair kits na magagamit ng mga pamilyang nasira ang tahanan. Sinundan siya nina Ice Seguerra, JM de Guzman, at Juris, na nagpa-ibig, nagpaiyak, at nagbigay pag-asa sa pamamagitan ng kanilang performances noong Lunes (Marso 21).
Binigyang-diin ni Ice ang seguridad na dala ng pagkakaroon ng sariling bahay sa bawat tao sa kanyang pagbubukas ng programa. “Alam natin kung gaano kalaking bagay ang tahanan para makapagsimula tayong muli. Hindi lang siya nakakatulong dahil meron tayong shelter pero sa pang-mental health din natin. It’s very important because having a house makes us feel secured,” aniya.
“Naniniwala ako na lahat po tayo ay merong magagawa. Walang maliit o malaking bagay, walang small deed o small amount,” dagdag pa niya.
Pinasalamatan niya ang mga nag-donate at binigyang katuparan ang ilang song requests ng mga manonood sa pag-awit niya ng “Anong Nangyari Sa Ating Dalawa,” “With A Smile,” “Pakisabi Na Lang,” “What Matters Most,” at “Pagdating ng Panahon.”
Samantala, nagsama-sama naman sina Fana, Lian Kyla, SAB, at Shanaia Gomez noong Martes (Marso 22) para ibahagi ang kanilang musika at talento at hikayatin ang kanilang followers na magbigay ng tulong sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo.
Nakatakda ring magperform sa mga susunod na gabi sina Bamboo (Marso 23), Erik Santos, Gello Marquez, at JMKO (Marso 24), BINI at BGYO (Marso 25), JM Dela Cerna, Jordan Andrews, Luis Gragera, at Marlo Mortel (Marso 26), MNL48 (Marso 27), at Reiven Umali, JM Yosures, Sam Mangubat, at Maris Racal (Marso 28). Magbabalik din si Martin kasama si Zsa Zsa Padilla sa Marso 29.
Mapapanood ang ikatlong installment ng "By Request" hanggang Marso 29 (Martes) sa FYE Channel sa Kumu, ABS-CBN Entertainment YouTube channel, ABS-CBN Facebook page, iWantTFC, at SKYcable ch. 955 at SD ch. 155.
Pagkatapos ng online concert series, magpapatuloy ang “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan" benefit project sa Star Magic Game Zone at Metro Benefit Sale.
Umabot na sa higit P103 milyon ang cash donation na nalikom ng ABS-CBN Foundation noong Marso 20 habang nagkakahalaga naman ng P16.4 milyon ang in-kind donations. Nakapaghatid na rin ng food packs sa 207,029 na pamilya at house repair kits sa 584 na pamilya.
Maaari ring makatulong sa ating mga kababayan sa pag-avail ng Tulong Vouchers sa Lazada at Shopee para sa karagdagang house repair kits sa mga naapektuhang pamilya. Para sa iba pang impormasyon at paraan sa pag-donate, pumunta lang foundation.abs-cbn.com o i-follow ang
ABS-CBN Foundation sa
Facebook,
Twitter, at
Instagram accounts nito. Ang kampanyang ito ay napapaloob ng DSWD Authority/Solicitation Permit ng ABS-CBN Foundation na DSWD-SB-SP-00026-21, valid nationwide hanggang Mayo 28, 2022.
Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o pumunta sa
www.abs-cbn.com/newsroom.