Can a single app help a broken-hearted person instantly move on?
YouTube series ng ABS-CBN, mapapanood na sa Abril 4
Posible nga bang mag-move on sa pagiging sawi sa tulong ng isang online app?
Susubukan ni Maris Racal na mag-move on kasama ang pekeng boyfriend niyang si Carlo Aquino sa “How to Move On in 30 Days,” ang kauna-unahang YouTube exclusive daily series ng ABS-CBN na mapapanood na ngayong Abril 4.
Ang romantic-comedy series na ito ay tungkol kay Jen (Maris), isang vlogger na iniwan at niloko ng boyfriend niya ng pitong taon na si Jake (Albie Casiño) kasama si Anastacia (Sachzna Laparan), isang sikat na model at social media influencer. Makikilala si Jen bilang “The Winarak Girl” matapos mag-viral sa social media ang kanyang pagwawala dahil sa pagiging sawi.
Para tulungan si Jen na malagpasan ang pagiging broken-hearted, kukumbinsihin siya ng kanyang mga kaibigan na sina Anton (Kyo Quijano) at Sara (Jai Agpangan) na i-download ang “the break app.” Sagot ng app na ito ang lahat ng solusyon at payo para tulungan si Jen na maka-move on mula kay Jake sa loob lamang ng 30 araw.
Ngunit hindi ito magiging madali para kay Jen dahil makakasama niya sa trabaho si Jake at ang bagong kasintahan nito. Dahil desperado na si Jen na maka-move on, mapipilitan siyang lapitan si Franco (Carlo), isang gwapong surfer at “professional boyfriend-for-hire.”
Magkukunwari sina Jen at Franco bilang magkasintahan at unti-unti rin silang magiging malapit sa isa’t isa dahil dito. Makaka-move on nga ba si Jen sa tulong ni Franco at ng “break app”? Mauuwi kaya sa tunay na pagmamahalan ang pekeng relasyon nina Jen at Franco?
Ang “How to Move On in 30 Days” ay idinerehe nina Benedict Mique at Roderick Lindayag. Pinagbibidahan din ito nina John Lapus, John Arcilla, Sherry Lara, Phoemela Baranda, Poppert Bernadas, Hanie Jarrar, Elyson De Dios, Rans Rifol, at James Bello.
Panoorin ang “How to Move On in 30 Days” kada Lunes hanggang Biyernes simula ngayong Abril 4 sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.