News Releases

English | Tagalog

Finale trailer ng "FPJ's Ang Probinsyano," viral sa social media, mahigit 2M views na

July 26, 2022 AT 10 : 03 AM

Netizens shared their appreciation for “FPJ’s Ang Probinsyano,” which has provided action-packed entertainment to viewers and imparted many valuable lessons throughout its historic seven-year journey. 

Abangan ang “Pambansang Pagtatapos” 

Nag-viral sa social media ang finale trailer ng “FPJ’s Ang Probinsyano,” tampok si Coco Martin, matapos bumuhos ang pagmamahal ng netizens para sa iniidolo nilang karakter na si Cardo Dalisay (Coco) - na ilang taong sinubaybayan gabi-gabi ng milyon-milyong mga Pilipino. 

Pormal nang inanunsyo ni Coco na matapos ang halos pitong taon ay magtatapos na ang longest-running Philippine teleserye na pumukaw sa puso’t damdamin ng maraming Pilipino. Agad na nakakuha ang naturang video ng mahigit dalawang milyong views simula noong ini-release ito.

“Mga ka-Probinsyano, dumating na po ang oras. Ang programang minahal ninyo ng pitong taon ay nalalapit na po ang pagtatapos,” sabi ni Coco. 

“Malungkot man na tayo’y maghihiwalay, pero walang hanggang pasasalamat ang aming nararamdaman. Nagbago man ang mundo, nandyan pa rin kayo. Kahit man po matapos ang teleseryeng ito, hinding-hindi po matatapos ang pagmamahal namin sa inyo,” dagdag pa niya. 

Ipinasilip din sa “Ang Pambansang Pagtatapos” finale trailer ang mga kaabang-abang na mga maaksyong eksena. Isa na rito ang paghahanda nina Cardo, Task Force Agila, at presidente Oscar (Rowell Santiago) para sa pinakamahalagang misyon nila kung saan susubukan nilang patalsikin si Lily (Lorna Tolentino) para tuluyan na nilang maibalik ang kapayapaan sa bansa. 

Umaatikabong ratratan din ang dapat abangan ng viewers dahil nakatakdang magharap sa huling pagkakataon ang buong pwersa ng Task Force Agila laban sa kanilang mga mortal na kaaway. 

Naging emosyonal ang netizens matapos nilang ibahagi ang kanilang mga saloobin sa pagtatapos ng serye na nagbigay saya at namahagi ng mahahalagang mga aral sa loob ng halos pitong taon. Kaya naman numero unong trending topic sa Twitter Philippines ang “Ang Probinsyano” at “Cardo.”

“‘Ang Probinsyano’ is ending in three weeks. We all joke about its never-ending plot, but we gotta admit that it became a huge part of the Filipino household’s routing. Kudos to the whole team. Honestly, it’s gonna be hard to top a teleserye with this popularity and success,” tweet ni @Rizz_Rianne.

“FPJ’s Ang Probinsyano may have its final episode on August 12, but the show’s impact to its viewers within 7 years will always last in their hearts and minds,” sabi ni @AltKpmlyNovelas.

Huwag palampasin “FPJ’s Ang Probinsyano: Ang Pambansang Pagtatapos” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “FPJ’s Ang Probinsyano.”  Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom