News Releases

English | Tagalog

Coco, inuubos ang mga kalaban, gumawa ng bagong record sa YouTube

August 09, 2022 AT 10 : 31 AM

Will Cardo and Task Force Agila make it out alive and be successful in their mission?

Finale ng “FPJ’s Ang Probinsyano,” ngayong linggo na

Winasak muli ng “FPJ’s Ang Probinsyano” ang sarili nitong viewership record sa Kapamilya Online Live sa YouTube matapos itong magtala ng all-time high na 367,018 live concurrent viewers sa episode noong Agosto 5 (Biyernes). Inaabangan na ng mga manonood kung ano ang magiging kapalaran ni Coco Martin sa serye, na nasa huling linggo na lamang. 

Sa naturang episode, tinutukan ng mga manonood ang karumaldumal na pagkamatay ng dalawang mortal na kaaway ni Cardo (Coco Martin) na sina Armando (John Estrada) at Lily (Lorna Tolentino). Mainit na pinag-usapan sa social media ang maaakysong eksena dahil nakapasok sa trending topics sa Twitter Philippines ang #FPJAP7Paninigil, Cardo, John Estrada, at Armando.

Matagal nang inaasam nina Cardo at Task Force Agila na makuha ang hustisya laban sa kanilang mga kaaway lalo na’t si Armando ang responsable sa pagkamatay ni Lolo Delfin at si Lily naman ang dahilan kung bakit tinuri silang kriminal ng buong bansa.

Pero hindi pa roon nagtatapos ang paghihiganti ni Cardo. Sa tulong ni Presidente Oscar (Rowell Santiago), nilalatag na nila ang kanilang mga plano para sa kanilang huling misyon upang arestuhin sina Renato (John Arcilla) at Lucio (Raymond Bagatsing), ang dalawang pinakamakapangyarihang terorista sa bansa. 

Subalit, hindi ito magiging madali. Nagsimula na kasing maghasik ng lagim ang grupo nina Renato at Lucio dahil inaabuso at pinapahirapan na nila ang bihag nilang mga inosenteng tao. Pinagbantaan din nila ang mga Agila na kung hindi nila ibigay ang kapangyarihan sa pamumuno sa buong bansa, patuloy nilang papatayin ang mga tao. 

Mananatiling bang buhay si Cardo pagkatapos ng kanilang misyon?

Huwag palampasin “FPJ’s Ang Probinsyano: Ang Pambansang Pagtatapos” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “FPJ’s Ang Probinsyano.” Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.