Paulo, Kim, at JM, nagpapasalamat sa mainit na pagtanggap sa "Linlang"
Mainit pa ring pinag-uusapan sa social media ang “Linlang” ng ABS-CBN, ang numero unong palabas sa Prime Video Philippines, sa Pilipinas at sa ibang bansa dahil sa sunod-sunod na pag-viral ng mga eksena sa serye na umaani ng papuri mula sa mga netizen.
Ilang oras matapos lumabas ang pinakabagong episode ng “Linlang” sa Prime Video noong Huwebes, nag-trending sa social media ang eksena ng paghaharap nina Kim Chiu (Juliana) at Kaila Estrada (Sylvia). Bilib na bilib ang mga netizen sa Kapamilya stars dahil sa kanilang husay sa pag-arte.
Pinuri rin ng iba ang emosyonal na eksena nina Maricel Soriano (Amelia) at Paulo Avelino (Victor), na nakipagsabayan din sa pag-arte kasama ang Diamond Star.
Sa thanksgiving media conference ng palabas, sinabi ni Kim Chiu na natutuwa siyang basahin ang mga hate messages na natatanggap niya mula sa mga fans na galit na galit dahil sa pagtataksil at panloloko ni Juliana.
"Ito 'yung masasabi kong hate that I love, 'yung hate messages that I love... Masaya talaga ako rito sa kind of hate na natatanggap ko," sabi ni Kim. Malaki rin ang pasasalamat niya sa mga dikertor ng serye na sina FM Reyes at Jojo Saguin dahil sa paggabay sa kanya sa pag-arte.
Nagpasalamat rin si Paulo Avelino, na gumaganap bilang asawa ni Juliana na si Victor, sa creative team ng "Linlang" para sa tagumpay ng palabas.
"I am grateful. It took some time to adjust with everyone on the set. Pero 'yun nga kumbaga ang performance ko rito wouldn't be that way kung hindi dahil sa creatives namin, sa directors namin," sabi ni Paulo. Nabanggit niya ring kinailangan niyang dumaan sa malalaking pagbabago sa timbang upang mabisang magampanan ang role sa serye.
Natutuwa rin si JM de Guzman, na gumaganap bilang Atty. Alex Lualhati, kapatid ni Victor, dahil sa tagumpay ni "Linlang".
"Sobrang grateful nga po na marami ang nagko-comment at nagpi-feedback, maraming tumatangkilik at marami ring galit sa akin, maraming napipikon. Maganda po talaga ang pagkakasulat ng script, kaya susunod na lang po ako," pahayag ni JM.
Samantala, mas marami pang magiging pasabog sa mga susunod na episode ng “Linlang” dahil magsisimula na ang paghihiganti ni Victor kina Juliana at Alex (JM De Guzman) na paniguradong kakahumalingan na naman ng mga manonood.
Dalawang episode ng "Linlang" ang ipinapalabas sa Prime Video tuwing Huwebes. Available din ito sa mahigit 240 bansa at teritoryo sa buong mundo.
Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, TikTok, at Threads o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.