News Releases

English | Tagalog

Pag-iibigan nina Carlo at Charlie, haharap sa pagsubok sa "Third World Romance"

August 04, 2023 AT 10 : 30 AM

"Third World Romance," a co-production of Black Sheep and Anima, is showing in cinemas beginning August 16.

Manaig kaya ang pag-ibig sa mundong mahal maging masaya?
 
Pag-ibig sa gitna ng mga hamon sa buhay ang sisibol sa pagitan nina Carlo Aquino at Charlie Dizon sa pelikulang “Third World Romance” na mapapanood na sa mga sinehan sa buong bansa simula Agosto 16 (Miyerkules).

 
Gagampanan ni Charlie ang papel ni Britney, ang prangkang kahera sa isang supermarket kung saan makakatrabaho niya ang bagger na si Alvin, ang karakter naman ni Carlo.
 
Mabubuo ang malalim na pagkakaibigan ng dalawa at pagnanais maging masaya nang magkasama sa kabila ng mga problema sa buhay. Ngunit haharap si Britney sa pagsubok na magtutulak sa kanyang mamili sa pagitan ng kanyang pamilya at sariling kaligayan.
 
Manaig kaya ang damdamin nina Alvin at Britney para sa isa’t isa sa mundo kung saan mahal maging masaya? 
 
“Yung mensahe ng movie namin, mahirap man maging masaya pero hangga’t may kasama ka na dadamay sa’yo magiging magaan ang buhay,” ani Charlie.
 
Samantala, inilarawan ni Carlo ang kanyang karakter na laid-back lang pero marunong pa rin lumaban kapag kinailangan. Sabi niya, “Laid-back siguro sa buhay. Chill lang siya pero lumalaban pa rin sa buhay.” 
 
Ang “Third World Romance” ay mula sa direksyon ni Dwein Ruedas Baltazar, ang movie director ng “Oda sa Wala” at “Hello Stranger: The Movie.” Co-production ito ng Black Sheep at Anima.
 
Sa tanong kung gaano kahalaga ang hugot ng raket sa pelikula, sinabi ni Direk Dwein na doon nakasentro ang kwento nito. “Mahalaga kasi ang raket ‘survival’ siya. Nakasentro dun ang conflict ng istorya, kung paano sila mabubuhay araw-araw,” aniya.     
 
“Ifo-front natin ang pag-ibig habang dini-discuss ang social issues, trabaho, at iba pang bagay na kinakaharap ng ordinaryong mamamayan,” dagdag pa ni Direk Dwein.
 
Mapapanood din sa pelikula sina Ana Abad Santos, Gardo Versoza, Arachie Adamos, Iyah Mina, Esnyr Ranollo, Xilhouette, Brian Black, Lady Morgana, at Junjun Quintana.
 
Bago ang theatrical release nito, itatampok ang “Third World Romance” bilang closing film ng Cinemalaya 2023.
 
Samahan sina Alvin at Britney sa pagharap sa buhay sa “Third World Romance” na ipapalabas na sa mga sinehan sila Agosto 16 (Miyerkules). Para sa updates, sundan ang Black Sheep sa Facebook (@BlackSheepABSCBN), Instagram, Tiktok, at Twitter (@black_sheepph), at YouTube (@BlackSheepPH), at ang Anima sa kanilang social media accounts @animastudiosph.
 
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.