News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN nagkamit ng 11 parangal sa 2024 Gawad Pasado Awards

October 13, 2024 AT 08 : 04 AM

Kathryn, BINI, at “Third World Romance” kinilala ng mga guro 

Tumanggap ng 11 na parangal mula sa mga guro ang ABS-CBN para sa kanilang natatanging palabas, pelikula, at artista sa 2024 Gawad Pasado Awards na ginanap sa Philippine Christian University noong Oktubre 12 (Sabado). 
 
Big winner ang “Third World Romance” na nakakuha ng apat na parangal kabilang ang PinakaPASADOng Dulang Pampelikula, PinakaPASADOng Pelikula sa Pagkakapantay-pantay ng mga Kasarian, at PinakaPASADOng Pelikula. Tinanggap din ni Charlie Dizon ang tropeyo para sa PinkaPASADOng Aktres para sa kanyang kahanga-hangang pagganap sa pelikula. 
 
Sina Kathryn Bernardo at Dolly de Leon, ang mga bida ng pelikulang “A Very Good Girl,” ay kapwa kinilala—si Kathryn ang nagwagi ng PinakaPASADOng Aktres award, habang si Dolly ay pinarangalan bilang PinakaPASADOng Katuwang na Aktres. 
 
Panalo din ang nation’s girl group, BINI, na nagpasikat ng mga kantang “Pantropiko” at “Salamin, Salamin,” ng PinakaPASADOng Dangal ng Kabataan award.
 
Samantala, ang seryeng “Dirty Linen” ay naguwi din ng tatlong parangal. Kabilang dito ang PinakaPASADOng Teleserye, PinakaPASADOng Aktres sa Telebisyon para kay Janine Gutierrez, at PinakaPASADOng Aktor sa Telebisyon para kay John Arcilla.  
 
Kinilala rin si Paulo Avelino bilang PinakaPASADOng Aktor sa Telebisyon para sa kanyang natatanging pagganap bilang Victor sa seryeng “Linlang,” na unang ipinalabas sa Prime Video. 
 
Ang PASADO ay samahan ng mga guro mula sa pribado at pampublikong paaralan na sumusuri ng mga pelikula at serye na maaaring gamitin sa pagtuturo. Taon-taon, ginaganap nito ang Gawad Pasado Awards upang bigyang parangal ang mga huwaran sa industriya.
 
Para sa karagdagang detalye, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa abs-cbn.com/newsroom.