News Releases

English | Tagalog

"Hello, Love, Again" tampok ang buhay-OFW nina Joy at Ethan sa Canada

October 18, 2024 AT 04 : 26 PM

Panibagong pagkakataon o huling paalam?

Nagbabalik sina Kathryn Bernardo at Alden Richards bilang ang mga minahal ng mga manonood na sina Joy at Ethan sa pinaka-inaabangang pelikula ng taon, ang “Hello, Love, Again,” na mapapanood na sa mga sinehan sa Pilipinas simula Nobyembre 13.

Tampok sa kauna-unahang film collaboration ng Star Cinema ng ABS-CBN at GMA Pictures at sequel ng phenomenal box office hit na “Hello, Love, Goodbye” ang pagpapatuloy ng kwento nina Joy at Ethan pagkalipas ng limang taon sa Canada kung saan tumungo si Joy mula sa Hong Kong para tuluyang tuparin ang kanyang mga pangarap sa buhay. 

Sa hindi inaasahang pagkukrus ng landas nila sa Canada, manumbalik pa kaya ang dati nilang samahan hudyat para magkatuluyan na sila sa wakas? O sa gitna ng matinding sakripisyo at kalungkutan sa paninirahan sa ibang bansa bilang OFW ay mananatili pa rin silang sawi sa pag-ibig?

Mula sa direksyon ni Direk Cathy Garcia-Sampana ang pelikula na siya ring nasa likod ng “Hello, Love, Goodbye.”

Kabilang sa cast ng pelikula sina Joross Gamboa, Valerie Concepcion, Jennica Garcia, Kevin Kreider, Jobert Austria, Mark Labella, Marvin Aritrangco, Ruby Rodriguez, at iba pa.

Bukod sa Pilipinas, nakatakda ring ipalabas ang “Hello, Love, Again” sa US at Canada simula Nob. 15 at inaasahang magkakaroon ito ng pinakamalawak na North American release para sa isang Filipino film.

Ipapalabas din ang pelikula sa Australia (Nob. 14), New Zealand (Nob. 14), Guam (Nob. 15), Saipan (Nob. 15), Singapore (Nob. 28), Malaysia (Nob. 28), Middle East (Nob. 28), Cambodia (Nob. 29), and Hong Kong (Nobyembre).

Magkakaroon din ito ng midnight screening sa loob ng 72 cinemas sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas sa Nob. 13.

Samantala, patuloy sina Kathryn at Alden sa kanilang “Hello Again Tour” sa SM City Iloilo sa Oktubre 19, SM City Caloocan sa Okt. 20, KCC Mall of Gen San at KCC Mall of Koronadal sa Okt. 27, SM City JMall (Mandaue), SM City Cebu, at SM Seaside City Cebu sa Nob. 9, at sa Market! Market! sa Taguig sa Nob. 10. Gaganapin naman ang premiere night ng pelikula Sa SM Megamall sa Nob. 12.

Huwag palampasin ang kwentong pag-ibig nina Joy at Ethan sa Canada sa “Hello, Love, Again,” mapapanood na sa mga sinehan simula Nov. 13. Para sa detalye, sundan ang Star Cinema sa FacebookX (formerly Twitter)InstagramYouTube, at TikTok.

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa FacebookX (Twitter)Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.