News Releases

English | Tagalog

Daniel Padilla, certified Kapamilya pa rin; ibinunyag ang mga bagong proyekto sa ABS-CBN

February 14, 2024 AT 12 : 24 AM

‘Supreme Idol,’ may pelikula sa Star Cinema at collab kasama si Ely Buendia
 

Nagmarka ng isa na namang mahalagang kabanata sa kanyang karera ang Supreme Idol na si Daniel Padilla dahil pumirma na siya ng bagong kontrata sa ABS-CBN, kung saan dapat abangan ang kanyang mga bagong proyekto na magpapakita ng kanyang galing bilang isang aktor at mang-aawit.

Sa kanyang espesyal na “Forever Kapamilya” contract signing, naglaan ng oras si Daniel para pasalamatan ang ABS-CBN executives, mga mentor sa industriya, katrabaho, brand partners, pamilya, kaibigan, tagahanga, at mga taong gumabay at nag-alaga sa kanyang karera sa showbiz.

“Gusto ko pong magpasalamat sa aking mga boss sa tiwala po na binibigay ninyo at totoong pagmamahal po na binibigay ninyo. Maraming, maraming salamat,” sabi ni Daniel.

Makabuluhan naman ang binigay na mensahe ni ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak kay Daniel.

Ani Carlo, “When we lost our franchise may tinext ka sa akin, ‘salamat po sa pakikipaglaban, nagawa niyo na ho ang lahat. Ngayon ang Diyos na po ang bahala.’ So Deej, ibabalik ko sa'yo ang message mo sa akin. Masipag kang tao, isang artistang magaling, at isang anak na nagmamahal sa kanyang pamilya. Gawin mo lahat to be the best version of you and then Diyos na ang bahala. Sigurado ako na makakamit mo ang mas malaki at mas mahusay na mga tagumpay at magiging kung ano ang itinakda ng Diyos sa iyo.”

Nagpasalamat din si ABS-CBN COO for Broadcast na si Cory Vidanes kay Daniel dahil pinili niyang manatili sa ABS-CBN sa loob ng 15 taon at binigyang papuri rin ang aktor.

“We are forever grateful that we have a Daniel Padilla as a Kapamilya and we will forever be your Kapamilya. Supremo ngunit grounded, supremo ngunit mapagbigay, supremo ngunit mahabagin. Mahal ka namin, DJ,” sabi ni Cory.

Bukod kina Carlo Katigbak at Cory Vidanes, dumalo rin sa contract signing sina ABS-CBN chairman Mark Lopez, Star Magic head at Entertainment Production head Laurenti Dyogi, CFO Rick Tan Jr., manager na si Capt. Luz Bagalacsa, at ang kanyang ina na si Karla Estrada. 

Samantala, inilahad naman ni Daniel ang mga bago niyang proyekto kabilang na ang paggawa ng bagong musika.

“I’ll make music first. Gawa muna ako music. I’ll have something with Ely Buendia. May mga gagawin. Secret pa. Secret muna,” sabi ng Kapamilya star.

Ibinahagi rin ni Daniel na tuloy pa rin ang pelikula niya kasama sina Zanjoe Marudo at John Arcilla. Inihayag din ni Daniel na maaaring magkatrabaho sila ng Diamond Star na si Maricel Soriano sa isang proyekto, ngunit patuloy pa rin ang mga talakayan tungkol dito.

Para mapanood ang buong “Forever Kapamilya” contract signing ni Daniel Padilla, magtungo sa YouTube channel ng Star Magic.  Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, TikTok, at Threads o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.