In its Saturday episode last March 16, 15-year-old Francine Benitez, who is the younger sibling of Zild, managed to impress Coach Martin with her rendition of the OPM hit "Sundo"
Apat na teen hopefuls, nagpakitang-gilas din sa kanilang three-chair performances
Nadagdagan muli ng isa pang talentadong teen artist ang MarTeam ni Martin Nievera matapos niyang piliin ang kapatid ng IV of Spades vocalist na si Zild Benitez sa nagdaang episode ng "The Voice Teens Philippines" Season 3.
Nitong Sabado (Marso 16), sumalang sa entablado si Francine Benitez (15 y.o), na nakababatang kapatid ng sikat na bokalista, at mapalad na ipinili ni Coach Martin matapos ang kanyang rendisyon ng awiting "Sundo" ng Moonstar88.
Hindi man niya napaikot sina Coach Bamboo at KZ, pinuri nila ang kanyang boses at ang kakayahang maging acoustic artist pagdating ng panahon.
Samantala, napabilib din sina Martin, Bamboo, at KZ sa apat na auditionees sa kani-kanilang three-chair performances. Kabilang dito ang dating "The Voice Kids" contestant at Kamp Kawayan hopeful na si Tiffany Vistal (16 y.o.), na ipinili si KZ bilang kanyang coach matapos bumirit ng "Gusto Ko Nang Bumitaw."
Sumali rin sa Team Supreme ang three-chair turners na sina Joselle Pawiga (17 y.o.) at Edzel Gorospe (17y.o.), habang sasama naman sa MarTeam si Oxy Dolorito (13 y.o.).
Matapos ang ika-5 linggo ng blind auditions, nangunguna ngayon si Martin with 16 teen artists, kabilang sina Francine, Oxy, at Thenshi Santos (15 y.o.) mula Bulacan. Sumunod naman ang Kamp Kawayan ni Bamboo na may 14 contestants matapos niyang piliin si Elle Manalili (15 y.o) ng Cavite. At 13 naman ang hopefuls ni KZ sa Team Supreme, kung saan kasali sina Tiffany, Joselle, Edzel, pati sina Arvery Lagoring (16 y.o.) at Justin Reolada (17 y.o.).
Abangan ang iba pang sasalang na teen artists sa ika-6 na linggo ng blind auditions sa "The Voice Teens Philippines" Season 3, tuwing Sabado at Linggo ng gabi sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at TV5.
Para sa ibang updates, follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.