News Releases

English | Tagalog

Star Cinema, nagpasalamat matapos kumita ng P400M sa Pilipinas ang "And The Breadwinner Is..."

January 15, 2025 AT 12 : 30 PM

Napapanood pa rin sa Pilipinas at iba pang parte ng mundo

Taos-pusong nagpapasalamat ang Star Cinema sa mga manonood matapos makapagtala ang “And The Breadwinner Is…,” na pinagbibidahan ni Vice Ganda, ng P400 milyon na kita sa takilya simula noong ipalabas ito noong Disyembre 25.

Napapanood pa rin ang pelikula, na kabilang sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF), sa iba’t ibang mga sinehan sa buong bansa at pati na rin abroad sa Malta, Italy, New Zealand, Australia, United States of America, Canada, Saipan, Guam, at Cambodia. 

Ang “And The Breadwinner Is…” ay kwentong pang-pamilya na tungkol sa kaliwa’t kanan na sakripisyo na ginagawa ng isang breadwinner para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang mga mahal sa buhay. Ito ang nagsisilbing unang proyekto na magkasama si Vice at award-winning na direktor na si Jun Robles Lana, na kilala sa mga patok na comedy films.

Sa nagdaang 50th MMFF Gabi ng Parangal, nasungkit ng pelikula ang Gender Sensitivity Award, habang kinilala si Vice ng Special Jury Citation award para sa natatangi niyang pagganap sa isang karakter na labas sa kanyang comfort zone bilang isang artista. 

Bukod dito, inulan din ng magagandang review ang pelikula dahil naka-relate ang mga manonood sa nakakaantig nitong mensahe tampok ang mga pinagdadaanang pagsubok sa buhay ng pamilyang Pilipino. Mainit din itong tinanggap sa social media kung saan ibinahagi ng viewers kung paano sila parehong humagalpak sa tawanan at humagulgol habang nanonood. 

Mula sa Star Cinema at The IdeaFirst Company, kasama rin sa “And The Breadwinner Is…” sina Eugene Domingo, Malou De Guzman, Joel Torre, Jhong Hilario, Gladys Reyes, Maris Racal, Anthony Jennings, Kokoy De Santos, Lassy Marquez, MC Muah, Via Antonio, Kiko Matos, Argus Aspiras, at Kulot Caponpon.

Para sa iba pang mga detalye, sundan ang Star Cinema sa Facebook, X, Instagram, YouTube, at TikTok.

Para sa ibang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.