News Releases

English | Tagalog

Charo, Belle, TJ, at Sponge Cola, bibida sa "ASAP"

June 06, 2025 AT 03 : 17 PM

Abangan pa ang ibang pasabog na performance ngayong Linggo


 

Maghanda na para sa ultimate weekend fun at ipagdiwang ang kaarawan ni Belle Mariano, makisaya kasama si TJ Monterde at sabayan ang Sponge Cola sa isang pangmalakasang opening number kasama ang mga ASAP icons ngayong Linggo (Hunyo 8).

Pasabog na paandar ang hatid ng “ASAP” icons na sina Gary Valenciano, Regine Velasquez, Zsa Zsa Padilla, Angeline Quinto, Erik Santos, Yeng Constantino, KZ Tandingan, Darren Espanto, at Kyle Echarri na magtatanghal ng Independence Day theme opening prod kasama ang OPM band na Sponge Cola.

Samantala, aawitin ni TJ ang "Sariling Mundo," ang theme song ng bagong pelikula nina Charo Santos at Dingdong Dantes na "Only We Know." May special appearance rin si Charo sa programa.

Tuloy-tuloy ang kantahan kasama sina Regine at Angeline, at ang Rockoustic Heartthrobs na sina Kobie Brown, Blackburn, Anthony, at Luke Alford na may collab kasama si Joshua Camacho at ang kanyang grupo na Lily Band. Itodo pa ang kasiyahan sa 10th showbiz anniversary celebration para kay Jason Dy.

Ihanda na ang pangmalakasang moves dahil mas iinit pa ang dance floor kasama sina Darren at AC Bonifacio, Dance Sirens na sina Loisa Andalio, Anji Salvacion, at Chie Filomeno, at Supahdancers na sina Ken San Jose, Gela Atayde, Jeremy Glinoga, at Jameson Blake. Magse-celebrate rin ng kanilang birthdays sina Gela at Jeremy.

Makisaya rin sa pagdiriwang ng The Company para sa kanilang ika-40 anibersaryo sa industriya, na maghahatid ng espesyal na performance kasama sina Gary, Zsa Zsa, Jona, Yeng, Erik, Angeline, at Jed Madela.

Hindi magiging kumpleto ang iyong weekend viewing nang wala ang mga paboritong hosts na sina Robi Domingo, Darren, Donny Pangilinan, Edward Barbers, at Alexa Ilacad.

Lahat ng ito, mapapanood ninyo ngayong Linggo mula sa longest-running at award-winning musical variety show sa bansa, "ASAP," 12 NN sa local TV sa Kapamilya Channel, Jeepney TV, A2Z, at TV5, online sa Kapamilya Online Live at iWantTFC, at worldwide via TFC. 

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.