On Twitter, #StarlaStarryNight shot to the number one spot of the country’s trending topics.
Taos-pusong niyakap ng mga manonood sa buong bansa ang pagbabalik-telebisyon ni Judy Ann Santos sa “Starla” nang magbukas ang kwento nito noong Lunes (Oktubre 7).
Nagtala ng national TV rating na 29.2% ang unang episode ng maagang pamasko ng ABS-CBN, na doble ang lamang sa kalabang programang “The Gift” na nakakuha lang ng 14.5%, ayon sa datos ng Kantar Media. Maraming loyal fans din ang na-excite sa pilot episode, kaya naman nag-trend ang hashtag na #StarlaStarryNight sa number one spot sa Twitter sa bansa.
Sa “Starla,” ginagampanan ni Judy Ann ang isang malupit at makapangyarihang abogado na si Teresa na naghahangad na makapaghiganti sa kanyang kinalakihang Baryo Maulap, na itinuturing niyang simbolo ng pagkatalo at masasakit na alaala.
Ipinakilala ng pilot episode sa mga manonood sa ulilang si Buboy (Enzo Pelojero), na tumakas mula sa bahay-ampunan at napadpad sa Baryo Maulap. Dito, nasaksihan ni Buboy ang sayawan ng mga alitaptap at mahuhuli si Starla (Jana Agoncillo)—isang wishing star na inaakala ni Buboy na alitaptap lamang.
Dahil walang matulugan, napadpad si Buboy sa garahe ng masungit na si Mang Greggy (Joel Torre). Dahil naman sa kabaitan ng bata, pinakain ni Mang Greggy si Buboy at pinatuloy na rin ito sa kanyang munting tahanan. Magkasamang dumalo ang dalawa sa isang pagtitipon kung saan nag-aalok ang isang malaking kumpanya na bilhin ang lupain ng mga taga-Baryo Maulap, ngunit nakumbinsi ni Mang Greggy ang mga ito na tanggihan ito.
Ibinalita naman ni Dexter (Joem Bascon) ang pangyayari kay Teresa, at magngingitngit ito sa galit nang malaman na ang sariling niyang ama ang pipigil sa kanyang mga plano.
Sa online world, sari-saring mga papuri ang ibinahagi ng netizens sa bagong Dreamscape offering at nagsabing na nagbibigay ito agad ng “Christmas feels.”
“Nakaka-good vibes, Nakakaaliw umpisa pa lang pero damang dama mo na na mamahalin mo si Starla at Buboy at lalong lalo na si Teresa #STARLAStarryNight,” ang tweet naman ni @oncesblink03.
Ayon naman sa YouTube user na si Shasta Daisy, “Salamat sa bagong teleserye na nagbibigay inspiration at aral sa lahat. At angkop lang sa panahon ngayon. More power Starla team.”
“It was just the start and I was already amazed and interested in the serye. Watching that kid makes me smile. Also, this is the comeback of Ms. Judy Ann Santos! I'm loving all about it. Congrats! #STARLAStarryNight,” kumento ng Twitter user na si @thedavedm.
Umere rin sa buong mundo ang “Starla” sa The Filipino Channel (TFC) at TFC.tv.
Sundan ang mga tala at mga pusong may mga kahilingan sa “Starla,” sa Primetime Bida ng ABS-CBN. Para sa karagdagang impormasyon, sundan lamang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).