The festival, which runs until November 17, hailed the contemporary gay rom-com film "Sila Sila" as Best Picture during its awards night held last Friday (Nov. 15) at the Dolphy Theater.
Direktor na si Giancarlo Abrahan, nasungkit muli ang Best Picture award
Itinanghal na Best Picture ang gay rom-com na “Sila Sila” ni Giancarlo Abrahan, habang humakot ang unang pelikula ni J.E. Tiglao na "Metamorphosis" ng limang pagkilala sa awarding ceremony ng Cinema One Originals 2019 na ginanap nitong Biyernes (Nobyembre 15) sa Dolphy Theater.
Pinatunayan ni Giancarlo na direktor ng Best Picture na "Sila Sila" ang kanyang galing lalo na't naiuwi na rin niya ang parehong pagkilala noong 2017 Cinema One Originals para sa pelikula niyang "Paki."
Sa kanyang acceptance speech, inalay niya ang naturang award sa buong LGBT community. “Napakasaya ko nung nabasa ko yung isang tweet. . . ‘wow, I feel seen.’ Nandito kaming lahat ngayon nakatayo sa harap ninyo—baklang direktor, baklang manunulat, at baklang mga aktor. We are seen,” ani Giancarlo.
Bukod sa pinakamataas na award, panalo rin ang “Sila Sila” sa tatlo pang kategorya—bilang Audience Choice, Best Screenplay para kay Daniel Saniana, at Best Supporting Actor para kay Topper Fabregas para sa pagganap niya sa makabagong kwento ng pag-ibig.
Napanalunan naman ng coming-of-age drama na “Metamorphosis,” isang kwento tungkol sa isang intersex person, ang Best Actor award para sa pagganap ni Gold Aceron bilang bida ng pelikula, Best Supporting Actress para kay Iana Bernardez, at Best Director para kay Tiglao. Bukod dito, panalo rin ang pelikula ng Best Sound para kina Immanuel Verona at Vince Banta, pati na rin ang Best Cinematography para kay Tey Clamor na napanalunan din ni Carlos Mauricio ng "Tia Madre."
Samantala, nakakuha ng tatlong awards ang "Lucid" ni Victor Villanueva, na tumalakay sa lucid dreaming phenomenon, kabilang na ang Best Actress award para kay Alessandra de Rossi, Best Editing para kay Benjamin Tolentino, at Best Music para kay Emerzon Texon, na naiuwi rin ni Kevin Dayrit para sa pelikulang "O."
Ang "Utopia" naman ni Dustin Celestino ang nagwagi ng Best Production Design award, pati na rin ang Jury Prize.
Kabilang sina Lav Diaz, Paulo Avelino, Sari Dalena, Emil Hofileña, at Sungho Park sa awards jury ngayong taon.
Labinlimang taon nang naghahandog ng iba't ibang pelikula na may nakapupukaw na tema ang Cinema One Originals para sa mga Pilipino. Bawat taon, naging layunin na ng film fest na mabigyan ng pagkakataon ang mga gumagawa ng pelikula, baguhan man o hindi, para maisakatuparan ang kanilang mga ideya.
Magtatagal hanggang sa Linggo (Nobyembre 17) ang Cinema One Originals 2019. Para sa updates, bisitahin ang @CinemaOneOriginals (FB), @c1origs (Twitter) at @c1originals (IG). #C1Originals #IAmOriginal
LIST: C1 ORIGINALS 2019 WINNERS
www.abs-cbn.com/newsroom/news-releases/2019/11/15/list-cinema-one-originals-2019-winners?lang=en