News Releases

English | Tagalog

Coco, ipagtatanggol ang buong Pilipinas sa ika-4 na taon ng "FPJ's Ang Probinsyano"

December 18, 2019 AT 11 : 48 AM

Primetime TV’s everyday hero is facing his biggest mission: to protect the whole Philippines against its gravest conflict yet.

Matitinding pagsubok sa trabaho, komunidad, at pamilya na ang napagtagumpayan ni Cardo sa longest-running action-drama series sa bansa na “FPJ’s Ang Probinsyano.” Ngunit sa ikaapat na taon ng pagtakbo ng kwento nito, susuungin niya ang pinakamalaking hamon ng kanyang buhay: ang depensahan ang buong Pilipinas laban sa dahas at kasamaan.
 
“Sa susunod na taon, ang magiging kwento na natin ay ang kwento ng buong mundo. Isang malaking malaking gyera ang mangyayari. Mas maaksyon, mas madrama, mas mabigat ang mga eksena. Hindi lang si Cardo, hindi lang ang pamilya ni Cardo, kundi ang buong Pilipinas,” ito ang inilahad ni Coco Martin na nagsisilbing bida, creative head, at isa sa mga direktor ng programa.
 
Bunyag ng Hari ng Telebisyon, kumpirmado nang makakasama niya ang ilang Hollywood actors sa susunod na kabanata ng palabas at ngayong Enero na nakatakdang simulan ang shooting nito sa iba’t ibang lugar sa loob at labas ng bansa.
 
“Kasi ano pa ba ang hindi namin nae-encounter? Ano pa ba ang hindi pinagdadaanan ni Cardo? Dapat iba-ibang putahe, iba-ibang kwento para nakaka-relate ang lahat ng tao. Iniiwasan ko rin na magsawa ang tao, dapat laging bagong experience.”
 
Ilan lamang sina Judy Ann Santos, Vice Ganda, Anne Curtis, Angelica Panganiban, at Christopher De Leon sa higit sa 430 na aktor at aktres na naging guest stars ng programa.
 
Malaki naman ang pasasalamat ni Yassi Pressman para sa karakter niyang si Alyana o asawa ni Cardo na napamahal na raw sa kanya. “Nabago ni Alyana at ng palabas ang buong buhay ko. Tinitingala ko po siya. Mabuting tao, mabait, loving – lahat ng characteristics ng isang kagalang galang na babae.”
 
Ngayong bagong halal na kapitana ng kanilang barangay si Alyana, nakatakda namang madagdagan ang miyembro ng pamilya nila ni Cardo matapos ang pagkasawi ng buhay ng kanilang panganay dalawang taon na ang nakakaraan.
 
“Parehas na may career kaming mag-asawa, paano mame-maintain ang relationship? Mas lalong magkakaroon ng flavor at color ‘pag may mga bata na. Ganun naman talaga ang problema ng mga Pilipino, kailangan nating ibigay ang oras at pagmamahal sa mga anak. ‘Yun din ang gusto naming ipakita, na solid kami as a family,” ayon kay Yassi.
 
Ilan lamang ito sa mga tagpong dapat na abangan sa “FPJ’s Ang Probinsyano,” na ayon kay Coco ay naghahangad na magbigay ng mga karanasang “Pinoy na Pinoy” at nangyayari sa totoong buhay.
 
“Meron kaming obligasyon na kailangang panindigan. Lahat po gagawin namin para sulitin ang inyong gabi-gabing panonood at hindi kayo ma-disappoint. Kayo ang nagpapalakas ng loob namin, kung bakit kailangan naming bumangon o lumaban araw-araw kahit ano pa ang pinagdadaanan namin. Kayo po ang inspirasyon namin. Maraming salamat po talaga sa inyong lahat,” pahayag ni Coco.
 
Panoorin gabi-gabi ang aksyon at mga aral sa “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.