Spotify’s Most Streamed Local Artist is on a roll…
Ibinahagi ni Moira dela Torre ang dalawang malalaking proyekto nito na ka-abang-abang ngayong taon—ang kauna-unahan niyang concert sa Big Dome at ang kapanapanabik na international album ng singer-songwriter.
“I know that God allowed me to reach this stage in my musical career to give inspiration to all of you, that nothing is impossible, that there is so much hope. I am just so grateful,” pagbabahagi ni Moira tungkol sa ginagawa niyang album sa ilalim ng ABS-CBN Music International.
Isa ang “Idol Philippines” judge sa Kapamilya artists na unti-unting pinapasok ang international music scene sa patuloy na pagtataguyod at pagbabahagi ng ABS-CBN ng mga talent ng mga Pilipino sa buong mundo.
Kinikilala bilang isa sa pinakamatunog na Pinoy musicians nitong nakaraang taon, ginawaran din si Moira ng Mellow Video of the Year para sa “Tagpuan” sa ilalim ng direksyon ni John Prats at Collaboration of the Year kasama ang OPM band na December Avenue para sa “Kung ‘Di Rin Lang Ikaw” sa katatapos lamang na MYX Music Awards.
Sa seremonyang ito kinilala din na Most Streamed Local Artist si Moira na naka-400 million na streams sa popular na music streaming subscription service na Spotify.
Abangan ang “Braver 2019” concert ng singer-songwriter sa Araneta Coliseum ngayong Agosto 17 (Sabado) at ang pinakabagong album nito sa digital stores. Para sa karagdagang detalye, i-like ang Star Music sa
facebook.com/starmusicph, at i-follow sa Twitter at Instagram @ StarMusicPH.