With Gina’s passing, we lost a fervent advocate of children’s rights and protection, a passionate proponent of sustainable livelihood among the underprivileged, and an unswerving champion for environment preservation.
Lubos na nagdadalamhati ang ABS-CBN sa pagpanaw ng chairman ng ABS-CBN Foundation na si Regina Paz “Gina” Lopez.
Sa pagpanaw ni Gina, kasamang namaalam ang isang maalab na tagapangalaga ng karapatan at proteksyon ng mga bata, masugid na tagapagsulong ng kabuhayan ng mga kapus-palad, at isang matibay na pundasyon ng pangangalaga sa kalikasan.
Ang walang-pagod niyang pagsusulong sa mga adbokasiyang ito ang naging dahilan para mabuo ang Bantay Bata 163, Bantay Kalikasan, at iba pang programa sa ilalim ng ABS-CBN Foundation. Bago siya nagsilbi bilang chairperson ng Pasig River Rehabilitation Commission at kalihim ng Department of Environment and Natural Resources, isinulong din niya ang hindi mabilang na mga kampanya at proyekto, kabilang na ang Kapit Bisig Para sa Ilog Pasig, No To Mining in Palawan, La Mesa Watershed reforestation, at ang TV program na “G Diaries” – na lahat ay nag-iwan ng hindi malilimutang pagbabago sa mga komunidad.
Si Gina ang sandigan ng lakas na nagtulak sa AFI na maisagawa ang mga bagay na tila ba imposible. Ang puso at pagmamahal niya ang nagbigay ng inspirasyon sa mga tao sa loob at labas ng organisasyon na tumulong at magsilbi sa kapwa.
Kasabay ng aming pakikiramay sa pamilya at mahal sa buhay ni Gina, ipinagdarasal din namin na manatiling buhay ang kanyang alaala sa puso ng bawat Kapamilya.
Hindi namin siya malilimutan at patuloy naming tatanawin ang kanyang mga kontribusyon hindi lamang sa ABS-CBN, kundi sa buong bansa.
Maraming salamat Gina, sa pagpapakita sa amin kung paano mabuhay nang naglilingkod sa Pilipino.