News Releases

English | Tagalog

Judy Ann, maghahatid ng mahahalagang aral at magtutupad ng mga hiling sa “Starla”

September 28, 2019 AT 04 : 44 PM

A timely offering this Christmas season…

Maagang pamasko ang hatid ni Judy Ann Santos sa pagbabalik-telebisyon niya sa “Starla,” isang bagong primetime teleseryeng maghahatid ng pag-asa, magtuturo ng pagmamahal sa pamilya at pagpapatawad, at magtutupad ng mga kahilingan.

Susundan ng serye, na magsisimula na sa Oktubre 7, ang kwento ng isang mag-ama at isang misyong tuparin ang mga pinakainaasam na hiling ng puso. Ang “Starla” ang pinakabagong teleserye mula sa Dreamscape Entertainment, na siyang ring lumikha ng mga hit teleseryeng puno ng aral at inspirasyon gaya ng “May Bukas Pa,” “100 Days to Heaven,” “Honesto,” “Nathaniel,” at “My Dear Heart.”

Makakasama ni Juday sa “Starla” sina Joel Torre, Enzo Pelojero, Jana Agoncillo, Meryl Soriano, Joem Bascon, at Raymart Santiago, kasama ang special participation nina Tirso Cruz III at Charo Santos.

Bibida si Judy Ann bilang si Teresa, isang malupit at makapangyarihang abogado na naghahangad na makapaghiganti sa kanyang kinalakihang Baryo Maulap, na itinuturing niyang simbolo ng pagkatalo at masasakit na alaala.

Malalagay sa alanganin ang kanyang mga plano dahil sa ama niyang si Greggy (Joel) at ang inampong bata nitong si Buboy (Enzo) na parehong taga-Maulap. Isang gabi, masasaksihan ni Buboy ang sayawan ng mga alitaptap na sinasabing magbibigay ng swerte saan man sila mapadpad. Sa pag-aakalang isa lamang itong ordinaryong alitaptap, mapapapadpad kay Buboy si Starla (Jana), na isa lamang sa milyon-milyong bituing tumutupad ng mga hiling.

Ngunit mahihirapan sina Buboy at Starla na muling bigyang-kulay ang buhay ni Mang Greggy, na ang tanging inaasam ay ang mapatawad ni Teresa at maayos ang relasyon nila.

Mahihirapan si Greggy na makuha ang loob ng anak dahil isinisisi pa rin ni Teresa sa kanya ang paglaki nito nang mag-isa. Baon-baon din ni Teresa ang poot na sinapit mula sa buong Baryo Maulap, na tinalikuran siya noong kinailangan niya ng tulong para maisalba ang ina niyang nag-aagaw buhay.

Makuha kaya ni Teresa ang kagustuhang parusahan ang Baryo Maulap, o may iba pang hiling ang kanyang puso? Matulungan kaya ni Buboy at Starla sina Greggy at Teresa na mabuo muli ang kanilang pamilya?

Ang “Starla" ay isinulat ni Dindo Perez, at idinirek nina Onat Diaz, Darnel Villaflor, at Jerome Pobocan. Kasama rin sa cast sina Grae Fernandez, Chantal Videla, Janus del Prado, Kathleen Hermosa, Anna Luna, Jordan Herrera, Simon Ibarra, Raikko Matteo, Chunsa Jeung, Myel de Leon, Heaven Peralejo, at iba pa.
Tunghayan ang "Starla" sa Primetime Bida simula Oktubre 7 (Lunes) sa ABS-CBN. Para sa karagdagang impormasyon, sundan lamang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).