Pagkatapos ng unang handog nitong “Glorious” na talaga namang pinag-usapan online, mas marami pang dapat na abangan mula sa Dreamscape Digital at ang lumalaking pamilya nito ng creators at directors na lilikha ng walong digital films at series na mapapanood sa iWant, ang bagong streaming service ng ABS-CBN.
Kasalukuyang napapanood na ang “Glorious,” na isinulat at idinirek ni Concepction Macatuno at pinagbibidahan naman nina Tony Labrusca at Angel Aquino tampok ang isang mapusok at nakakakilig na May-December love affair. Umabot na sa 17 milyon ang views ng trailer nito, at marami na ring naghihintay na mapapanood ang pelikula simula ngayong Sabado (Nobyembre 17) sa parehong iWant at TFC.tv.
Malapit na ring mapanood sa iWant ang kwento ng pag-ibig sa gitna ng isang tao at isang alien sa intergalactic love story na “Jhon en Martian” nina Arci Muñoz at Pepe Herrera kasama si Rufa Mae Quinto. Nilikha ito ni Joma Labayen at idinirek naman ni Victor Villanueva, ang direktor ng “Patay na si Hesus.”
Kabilang din sa line-up ng original films ng Dreamscape Digital ang “Project Feb 14” tampok sina JC Santos, McCoy de Leon, at Jane Oineza at isinulat at idinirek ng critically acclaimed director na si Jason Paul Laxamana.
Binuo naman ng aktres na si Bela Padilla ang konsepto at kwento ng “Apple of My Eye” na pagbibidahan nina Marco Gumabao at Krystal Reyes sa ilalim ng direksyon ni James Robin Mayo.
Nagbabalik din si Eugene Domingo, kasama sina Mylene Dizon at Joey Reyes sa anthology series na “Ang Babae sa Septic Tank 3” na muling isinulat ni Chris Martinez at idinirek ni Marlon Rivera.
Abangan din ang “ATTY.” nina JC De Vera, Ritz Azul, at Kit Thompson sa direksyon ni King Palisoc, “Bagman” nina Arjo Atayde, Raymond Bagatsing, at Allan Paule sa panulat at direksyon naman ni Shugo Praico, at ang anthology series na “Commuters in Manila” na idinirek ni Chad Vidanes.
Mula sa paggawa ng mga teleserye sa telebisyon na minahal at tinutukan ng mga Pilipino, panibagong yugto sa pagbibigay ng mga de-kalibreng pelikula ang tatahakin ng Dreamscape Entertainment sa Dreamscape Digital.
Maaari nang ma-download ang bagong iWant app sa iOS at Android apps o ma-access ito sa web browser (iwant.ph). Ang mga user namang may iWant TV app ay kailangan lang mag-update ng bagong bersyon ng app. Huwag kalimutang panoorin ang “Glorious” simula ngayong Sabado (Nobyembre 17) sa TFC.tv at sa bagong iWant app sa iOS and Android o iwant.ph.