News Releases

English | Tagalog

"Tawag ng Tanghalan," itinanghal na most successful singing-talent competition sa bansa sa Best Choice Awards

October 26, 2018 AT 04 : 18 PM

Selyado na ang trono ng “Tawag ng Tanghalan” bilang ang pinakamatagumpay na singing-talent competition sa bansa nang parangalan ito kamakailan seal of excellence ng Best Choice Awards 2018.

Dahil sa mga sunod-sunod na tagumpay, kalidad, at makabagong proyektong inilunsad nito, iginawad sa Kapamilya singing competition ang titulong Most Successful Singing-Talent Competition in Philippine Television ng Best Choice Awards, na naglalayong kilalanin ang mga bukod-tanging indibidwal, produkto, at kumpanya sa bansa. 

Kinilala rin sa Best Choice Awards ang “Tawag ng Tanghalan” grand champion na si Noven Belleza bilang Best New Male Singing Artist at si Marielle Montellano naman bilang Best New Female Singing Artist.

Nasa ikatlong taon na ang “TNT” sa paghahanap at paglilinang sa pinakamagagaling na Pinoy singers mula sa bansa at buong mundo sa “It’s Showtime.” Produkto ng makasaysayang kumpetisyon ang international sensation na TNT Boys at si Rachel Gabreza, na nagwagi ng sa global singing contest na Stars of the Albion Grand Prix sa London.

Mula naman sa telebisyon, lumaki na rin ang “TNT” at tumawid na sa online world ang pagbibigay ng world-class performances sa pamamagitan ng YouTube channel nitong TNT Versions o TNTV, kung saan binabalik-balikan ng fans ang mga orihinal na awitin at ekslusibong renditions ng classic hits ng TNT singers. Patok ito sa online listeners at kamakailan ay nakatanggap ng Silver Creator Award mula sa YouTube dahil sa pagkakaroon nito ng 100,000 subscribers. Sa ngayon, mayroon na itong halos 200,000 subscribers.

Ngayong taon, gumawa rin ng kasaysayan ang “Tawag ng Tanghalan” dahil sa unang pagkakataon sa bansa, nagbigay-daan ang isang singing competition sa pagbuo ng isang record label, ang TNT Records, na naghahandog ng bago at orihinal na mga awitin mula sa TNT singers. 

Noong Hulyo naman, nagsanib-pwersa ang TNT singers sa isang sold-out concert sa Araneta Coliseum na nagkaroon pa ng Cebu leg noong Setyembre.

Sa ngayon, namamayagpag sa radyo ang single ng ikalawang “TNT” grand champion na si Janine Berdin na “Biyaya.” Consistent naman sa pangunguna sa MOR 101.9 hit chart ang mga awitin ni Sam Mangubat, kabilang na ang current single niyang “Wala Kang Alam.”

Bukod sa mga ito, nagbibigay rin ng pagkakataon ang “Tawag ng Tanghalan” na ipakita ang kanilang artistry at creativity sa lumalaking pamilya nito na binubuo hindi lang ng singers, kundi pati na rin ng composers, arrangers, at ng sarili nitong TNT Band.

Samantala, pinangalanan din bilang Most Promising All-Male Singing Performer ng Best Choice Awards ang BoybandPH, na kinabibilangan nina Ford Valencia, Joao Constancia, Niel Murillo, Russell Reyes, at Tristan Ramirez.

Layunin ng Best Choice Awards na kilalanin ang mga natatanging kumpanya, produkto, at indibidwal upang mahikayat ang mga iba-ibang negosyo sa bansa na pagbutihin pa ang kanilang mga serbisyo at produkto alang-alang sa customers. Ang Best Choice Awards Council naman ay binubuo ng Philippine Events Specialist and Marketing Services, Consumer Eye Marketing and Research, Shop Best, at Philippine Event Specialist Outreach Program.

Manatiling nakatutok sa pangmalakasang kantahan ng world-class singers sa “Tawag ng Tanghalan” tuwing tanghali sa “It’s Showtime” sa ABS-CBN. Mag-subscribe naman sa TNT Versions sa www.youtube.com/tntversions o i-like ang www.facebook.com/tntversions o sundan ang @tntversions sa Twitter at Instagram.